Home NATIONWIDE 21 impormante ng PNP tumanggap ng P9.2-M reward

21 impormante ng PNP tumanggap ng P9.2-M reward

5
0

MANILA, Philippines – Nagbigay ang Philippine National Police ng kabuuang P9.2 milyong cash reward sa 21 confidential informant na nagbigay ng impormasyong humantong sa pagkakaaresto sa 21 wanted person sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Suot ang full-face masks upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan, tinanggap ng mga impormante ang kanilang gantimpala sa seremonyang pinangunahan ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at iba pang matataas na opisyal sa Camp Crame, Quezon City, nitong Martes.

Sinabi ni Nartatez na mula sa intelligence fund ng PNP ang mga reward at inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government ang paglalaan ng mga ito.

“Well, this is a process, dini-deliberate naman ito lalong-lalo giving rewards or incentives to our community members who continuously or nakikipag-cooperate in giving information leading to arrest of wanted persons. Of course, this will greatly help ang ating organization, ang ating community. Itong reward money naman ito na ito, of course this is fund from the PNP, ibinabalik lang natin because of the so-called cooperation or coordination or good partnership with our community,” sinabi ni Nartatez sa mga mamamahayag.

“This will greatly help ang ating organisasyon. Tulong-tulong yan para ma-account and arrest itong ating mga fugitives. There are 500,000, kung hindi ako nagkakamali, covered with warrant of arrest at iisa-isahin yan.”

Batay sa tala ng PNP, PHP2.99 milyon ang inilaan para sa pagkakaaresto sa pitong wanted sa kasong murder, habang PHP840,000 ang ibinigay para sa pagkakadakip sa anim na wanted sa kasong rape.

Naglaan din ng PHP1.35 milyon para sa pagkakaaresto sa dalawang wanted sa syndicated estafa at PHP245,000 para sa dalawang akusado sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Umabot naman sa P765,000 ang reward para sa pagkakaaresto sa isang wanted sa mga paglabag na may kaugnayan sa ilegal na kalakalan ng pampasabog at baril sa ilalim ng RA 9516 at RA 10591. Nagbigay rin ng P250,000 para sa isang wanted sa robbery with multiple homicide.

Sa ilalim ng joint order ng Department of National Defense at DILG, P2.83 milyon ang inilaan para sa pagkakaaresto sa dalawa pang umano’y miyembro ng communist terrorist group na wanted sa kasong murder.

Tiniyak ni Nartatez na naaayon sa batas ang lahat ng pag-arestong isinasagawa ng PNP.

“We have police operational procedures for arrest procedures and basis for the arrest,” aniya.

Samantala, sinabi ni Nartatez na malaki ang posibilidad na nasa Pilipinas pa rin si gaming tycoon Atong Ang, ang itinuturong mastermind sa pagkawala, pagkidnap at pagpatay sa 34 sabungero, sa kabila ng mga ulat na nakalabas na ito ng bansa.

Nahaharap si Ang sa non-bailable charges na kidnapping at serious illegal detention. Nag-alok ang mga awtoridad ng PHP20-milyong reward para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto, habang 20 sa kanyang mga kapwa akusado ang nasa kustodiya na ng pamahalaan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here