MANILA, Philippines — Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 21,261 pulis para tiyakin ang seguridad sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Ayon sa NCRPO, ang mga pulis ay magbabantay sa Batasang Pambansa, pangunahing kalsada, transport terminals, border control points, at mga lugar ng rally sa Metro Manila. Mayroon ding 3,000 standby personnel mula sa mga police regional office ng Cagayan Valley, Mimaropa, at Bicol.
Simula 5 p.m. ng Hulyo 24, isasailalim sa full alert status ang NCRPO.
Magpapatupad din ng nationwide suspension ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) o gun ban sa Hulyo 27, kasama ang No Fly Zone at No Drone Zone sa mga itinalagang lugar.
Kasama rin sa seguridad ang mas mahigpit na intelligence monitoring, route at perimeter security, contingency planning, Quick Reaction Teams, Explosive Ordnance Disposal units, SWAT, at medical response teams.
Inanunsyo rin ng NCRPO ang pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada sa paligid ng Batasang Pambansa at naglabas ng alternatibong ruta para sa mga motorista.
Samantala, tiniyak ng NCRPO na ipatutupad ang maximum tolerance sa mga kilos-protesta sa araw ng SONA. Ayon dito, 11,196 civil disturbance management personnel ang nakaantabay para sa inaasahang mga rally.
Iginiit ng NCRPO na lahat ng pulis na idedeploy ay inatasang igalang ang karapatang pantao at ang karapatan ng mamamayan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.
Nauna nang sinabi ng NCRPO na mino-monitor nito ang hindi bababa sa apat na grupong magsasagawa ng protesta sa araw ng SONA. RNT/MDS