MANILA, Philippines — Inaasahang bubuksan bago matapos ang Disyembre ang unang tatlong package ng South Luzon Expressway Toll Road 4 (SLEX TR4), na sasaklaw sa Sto. Tomas, Batangas hanggang Tiaong, Quezon, ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez nitong Miyerkules.
Kapag naging operational, mapaiikli nito sa 30 minuto mula dalawang oras ang biyahe sa pagitan ng Sto. Tomas at Tiaong.
“By the end of this year, we can start using the TR4. Mai-inaugurate po natin ‘yan. Ang target natin diyan, mga November, December start of operations of TR4 (We can inaugurate it. Our target is around November, December for the start of operations of TR4),” sinabi ni Lopez sa isang televised interview sa ANC.
Binubuo ng anim na package ang proyekto, habang susunod na bubuksan ang natitirang tatlo. Kapag natapos ang buong expressway, inaasahang bababa sa isang oras mula apat na oras ang biyahe sa pagitan ng Batangas at Lucena City.
“Ang usual travel time po natin diyan (para sa buong TR4) is 4 hours. Once mabuksan na po natin ang (buong) TR4 natin, magiging isang oras na lang po,” ani Lopez.
Tinatayang 17,000 motorista kada araw ang makikinabang sa SLEX TR4 kapag ito ay nabuksan.
Umaasa rin si Lopez na mababanggit ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang proyekto sa kanyang State of the Nation Address.
“That’s a big-ticket project in coordination and partnership with the DPWH (Department of Public Works and Highways). So ‘yan po ang mga inaasahan natin na kaya nating buksan po pagdating sa road sector within the year po (we hope to open this within the year) and hopefully the President can highlight that also in his SONA this year,” sinabi niya.
Ang PHP58.4-bilyong build-operate-transfer project ay ipinatutupad ng Department of Transportation katuwang ang DPWH. Ang San Miguel Infrastructure ang concessionaire, habang project guarantor ang Toll Regulatory Board.
Palalawigin ng 66.74-kilometrong expressway ang kasalukuyang SLEX network mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Lucena City, Quezon. Dave Baluyot