HINDI na maganda ang kalagayan ng milyon-milyong overseas Filipino workers sa Gitnang Silangan dahil sa matindi o tumitinding digmaan doon na kanilang ikinadadamay.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 2.4 milyon ang mga OFW sa lahat ng bansa sa nasabing lugar o rehiyon.
Kabilang sa mga may pinakamaraming OFW ang United Arab Emirates – 975,000; Saudi Arabia – 813,000; Qatar – 250,000; Kuwait – 106,000 to 143,000; Jordan – 40,538; Lebanon – 33,424; Israel – 31,000; at Bahrain – 21,000.
Nakakalat naman ang 50,000 sa Oman, Iraq, Iran, Egypt, Syria at iba pa.
MATINDI, MALAWAK NA GIYERA
Magdadalawang linggo na ang giyera ng pinagsamang pwersa ng United States at Israel laban sa Iran.
At ngayo’y sinasabing sumama na sa US at Israel ang Kuwait, Bahrain at United Arab Emirates laban sa Iran habang naggigiyera rin ang mga Houthi sa Yemen at Saudi Arabia.
Ginagamit na rin ng US ang mga base militar nito sa ilang bansang kasapi ng North Antlantic Treaty Organization habang tinutulungan umano ng Russia, China at North Korea ang Iran sa iba’t ibang paraan.
Lahat na ng mga base militar ng US at kaugnay na mga lugar sa mga bansang sumasama sa US ang pinauulanan ng mga missile at drone ng Iran habang ganito rin ang ginagawa ng mga kalaban nito laban sa Iran, kasama ang mga pambobomba gamit ang mga eroplano at helikoter.
SEAMAN, LAND BASED OFWS
May 3,000 umanong Pinoy seaman ang stranded sa loob ng Persian Gulf at Strait of Hormuz na parehong sarado dahil sa giyera at nanganganib din ang iba sa Bab al-Mandab na labasan at pasukan din ng mga barko sa Red Sea.
May mga lumubog nang barko sa Strait of Hormuz at sa Red Sea at Bab al-Mandab Strait, inaatake ng mga Houthi ang mga barko ng Saudi Arabia kasabay ng pagbomba naman ng huli sa una.
Kasama sa mga inaatake maging ang mga oil field, daungan o pier ng mga barko, desalinization plant o plantang nagko-kombert ng mga tubig-dagat para maging inumin, airport, hotel at iba pa.
Siyempre pa, kasabay ang mga base militar ng bawat isa.
Kaya naman, nanganganib ang lahat ng OFW na seamen at land-based sa buong rehiyon.
BOSES NG GOBYERNO TAHIMIK
Siyempre pa, nakasentro sa Departments of Foreign Affairs at Migrant Workers, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration, ang mga pagkilos ng pamahalaan ang mga pagkilos.
Ngunit walang gaanong naririnig mula sa mga ito, lalo na mula sa Palasyo at Kongreso, at sa halip, ang ingay sa pulitika, kasama ang State of the Nation Address, impeachment ni Vice President Sara Duterte, pagpapakulong sa mga senador na anti-Marcos administration at iringan sa South China Sea ang laman ng mga sumasabog na balita.
Tila hindi gaanong binibigyan ng pansin ang mga OFW na kung tutuusin ay napakalaki ang ambag sa ekonomiya ng bansa sa remittance nilang umaabot sa $6.48 bilyon o P400B mula sa land-based lamang taon-taon.
Nasaan ang mga pagkilos, halimbawa, sa posibleng maramihang pagbabakwit o suporta sa mga nawawalan ng hanapbuhay na OFWs?
Paano rin ang mga pamilya-OFW sa Pinas na walang natatanggap na padala dahil sa giyera?






