MANILA, Philippines – Gustong wakasan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang sapilitang pangingibang-bansa ng mga Pilipino na dulot ng kawalan ng disenteng trabaho at sapat na sahod sa bansa.
Sa kanyang Kontra-SONA nitong Martes, July 28, 2026, hinikayat ng Minority Leader na magtakda ang pamahalaan ng malinaw at makatotohanang target para dito.
“Wala bang pwedeng magsabing in 2041 or in 2050 – iyong totoo ha, hindi bola – or in 10 years, wala nang Pilipino na OFW na napilitan lang mag-OFW dahil walang trabahong maganda sa Pilipinas?” wika ni Cayetano.
Nilinaw ng senador na hindi niya nais pigilan ang mga Pilipinong kusang gustong magtrabaho, mag-aral, o magpakadalubhasa sa ibang bansa.
Ang problema aniya, maraming OFW ang napipilitang lumayo sa kanilang pamilya dahil hindi sapat ang sahod sa Pilipinas.
Inihalimbawa ni Cayetano ang nakausap niyang Pilipinong chef sa Singapore na kumikita ng P70,000 hanggang P110,000 kada buwan. Aniya, handa raw itong bumalik sa Pilipinas kahit kalahati lamang ng kanyang kasalukuyang sahod ang matanggap niya.
“‘Sir, kalahati lang. Kung P110,000 ang sweldo ko dito, kitain ko lang P55,000 sa Manila, OK na ako,’” kwento ni Cayetano sa sinabi ng chef.
“So napilitan siyang mag-abroad. At pag tinanong mo kung bakit, hindi para sa sarili niya, hindi para magka-iPhone siya, hindi para magka-kotse siya, kung hindi para makapag-aral iyong kanyang mga anak, para may bahay ang kanyang mga anak,” dugtong ng senador.
Punto ni Cayetano, kailangang lumikha ang bansa ng mga trabahong may living wage o sahod na sapat para sa pagkain, tirahan, edukasyon, at pagpapagamot ng isang pamilya.
Aniya, dapat maging bahagi ng “common vision” ng mga Pilipino, sa pangunguna ng pamahalaan, ang pagkakaroon ng maayos na pamumuhay ng mga manggagawa sa bansa na hindi kinakailangang lumayo sa pamilya.
“We have a minimum wage, we do not have a living wage that the Constitution envisioned,” aniya.
Noong nakaraang taon, inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 104 o Executive-Legislative Labor Commission Act of 2025 upang bumuo ng isang Labor Commission o LabCom na tututok sa living wage, underemployment, skills mismatch, informal workers, at paglikha ng dekalidad na trabaho.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ang LabCom ng National Labor Roadmap kasama ang pamahalaan, mga manggagawa, business community, MSMEs, at migrant at informal workers.
“We’ve done it for education through EDCOM. Now let’s do it for labor,” giit ni Cayetano nang ihain niya ang panukala. Ernie Reyes