Home OPINION HILING NG MGA PILIPINO – TUNAY NA HUSTISYA AT PANANAGUTAN

HILING NG MGA PILIPINO – TUNAY NA HUSTISYA AT PANANAGUTAN

1
0

HINDI pa man umiinit ang talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, agad niyang binuksan ang isa sa pinakamatunog na isyu sa bansa—ang umano’y anomalya sa mga flood control project.

Walang paligoy-ligoy na sinabi ng Pangulo na malapit nang maisampa ang mga kaso laban sa kanyang pinsang si dating House Speaker Martin Romualdez matapos ang malawak na imbestigasyon at pagkalap ng ebidensya.

Aniya, “Masakit man sa akin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Pangulo ako ng Republika ng Pilipinas.”

Malakas ang naging dating ng pahayag na ito, hindi lamang dahil magkamag-anak sila, kundi dahil malinaw na ipinakita ng Pangulo na walang dapat maging espesyal kung usapin na ng pananagutan sa batas.

Matagal nang hinihintay ng publiko ang resulta ng imbestigasyon sa bilyon-bilyong pisong inilaan sa flood control projects na umano’y naging ugat ng katiwalian.

Marami ang umaasang hindi ito mauuwi sa isa na namang pangakong napapako o kasong nabaon sa limot.

Pero higit sa pagsasampa ng kaso, ang tunay na inaabangan ng taumbayan ay kung may mapapanagot nga ba? Hindi sapat ang maghain ng demanda kung wala namang hahatulan at mananagot sa huli dahil baka mahinang kaso lamang na walang certainty of conviction ang isampa sa Sandiganbayan.

Kung mapatutunayang may nagkamal ng salapi mula sa kaban ng bayan, nararapat lamang na maibalik ito sa gobyerno lalu na’t ang perang ninakaw ay perang dapat sana’y napunta sa mas maraming paaralan, ospital, flood control na tunay na gumagana, at iba pang serbisyong makikinabang ang mamamayan.

Marami ring naniniwala na kung tuluyang uusad ang kaso laban kay Romualdez, maaari ring sumunod ang iba pang tinatawag na mga “big fish” na umano’y sangkot sa parehong anomalya.

Sa ngayon, nasa korte na ng hustisya ang susunod na kabanata. Ang hamon sa administrasyon ay patunayan na ang laban kontra korapsyon ay hindi lamang para sa mga kalaban sa pulitika kundi para sa lahat ng lumabag sa batas.

Dahil sa dulo ng lahat, ang hinihingi ng mga Pilipino ay hindi drama o matitinding pahayag—kundi tunay na hustisya, pananagutan, at pagbawi sa bawat sentimong nawala sa kaban ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here