BACOLOD, Philippines – Sinabi ng Bacolod City Department of Social Services and Development (DSSD) na umabot na sa “alarming levels” ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa lungsod.
Mula Hunyo hanggang Hulyo, nailigtas ng DSSD at Bacolod City Police Office ang 10 menor de edad, edad 12 hanggang 17, mula sa iba’t ibang barangay. Siyam sa mga biktima ay babae at isa ay lalaki.
Ayon kay DSSD head Richelle Verdeprado-Mangga, kinilala ng mga nailigtas ang isang tao na umano’y nagre-recruit at nag-uutos sa kanila na gumawa ng sekswal na gawain, na nire-record gamit ang cellphone at ibinebenta sa mga mamimili sa ibang bansa.
Patuloy ang manhunt laban sa suspek at hinahanap din ng mga awtoridad ang mahigit 10 pang posibleng biktima.
Iniimbestigahan din ang posibleng pagkakasangkot ng ilang magulang sa ilegal na gawain.
Ayon kay Mayor Greg Gasataya, inilagay na sa protective custody ang mga nailigtas na bata at binibigyan sila ng pansamantalang tirahan, medikal at sikolohikal na tulong, suporta sa edukasyon, family intervention, at legal assistance.
Nakikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa pulisya upang maaresto at mapanagot ang mga responsable.
Pinaigting din ng Bacolod ang child protection efforts sa pamamagitan ng Executive Order No. 44, Series of 2025, na nagtatag ng 24/7 SAFE Hotline para sa pag-uulat ng child abuse at gender-based violence.
Hinihikayat ang publiko na agad mag-ulat ng hinihinalang pang-aabuso sa 0909-640-7382 (TNT) at 0926-751-4615 (Globe). RNT/MDS