Home OPINION BAJO DE MASINLOC AT ITLOS

BAJO DE MASINLOC AT ITLOS

2
0

KUNG saka-sakali, magkakaroon ng tunay na batayan ng pagsasabi ng Pilipinas na pag-aari nito ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal at nakapaligid na mga lulubog-lilitaw sa dagat na mga umbok ng mga batuhan o bahura bunga ng high at low tide.

Batay ito sa isinumiteng nautical chart ng Pilipinas sa United Nations Secretariat nitong Hulyo 29, 2026 na nagsasabing ang mga kalupaan ng mainland ng Pilipinas ay karugtong ng mga pundasyon ng Bajo de Masinloc at iba pa at hindi hiwalay.

Sinabi nating “kung saka-sakali” ang pagtatagumpay natin sa pagsasabing atin ang mga lugar na ito dahil kinukwestiyon ito ng China.

Sa ngayon, hanggang exclusive economic zone o EEZ lamang ang karapatan natin sa mga lugar na ito kung susundin ang tadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS ngunit hindi natin pag-aari ito.

Magkaiba ang EEZ at ang teritoryo at dito nagbabanggaan ang Pilipinas at China.

Para sa China, pag-aari at teritoryo nito ang Bajo de Masinloc at paligid nito habang hanggang EEZ lang ang claim natin na hindi katumbas ng teritoryo at pag-aari.

Kaagad na tumutol ang China sa bagong claim ng Pinas ngayon at maaaring pagsimulan ito ng bagong ligal na laban at maganda ito.

Sakaling aabot sa ligal na laban ang pag-angkin sa lugar at ‘di pwersahan, dapat sa International Tribunal for the Law of the Sea o ITLOS magsasampa ang Pilipinas ng claim ng pag-mamay-ari at teritoryo sa Bajo de Masinloc at hindi kung saan-saan gaya ng nakaraang pribadong arbitration tribunal na nagsabing EEZ at hindi teritoryo ang claim natin noong 2016.

Nilikha ang ITLOS ng UNCLOS bilang opisyal na hukuman sa anomang iringan sa karagatan at dito dapat magsampa ng kaso ang Pinas at kung magpasya ito, may ligal na panghahawakan tayo at hindi mga suporta lang ng ibang bansa, gaya ng nangyayari ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here