Home NATIONWIDE Confi funds na ginamit sa pagbili ng gamot kinwestyon ng solon: Informant,...

Confi funds na ginamit sa pagbili ng gamot kinwestyon ng solon: Informant, may sakit?

2
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng isang lider ng Kamara ang pamamahagi ng mga gamot bilang pabuya sa mga confidential informants ni Vice President Sara Duterte, at sinabing tila ipinapalabas nitong may mga sakit ang mga nagbigay ng impormasyon.

Sa testimonya sa impeachment court ni dating COA Auditor Roderick Wamil sinabi nito na umabot sa P122 milyon na halaga ng mga gamot ang sinisingil ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng mga pondo ng intelligence at confidential.

Ayon sa kanya, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa halos sampung taon niya sa COA Intelligence and Confidential Fund Audit Office (ICFAO) na nakakita siya ng gayong sistema.

Bilang reaksyon sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega na tila may sakit lahat ng mga informants na tumanggap ng confidential funds.

Sa pagdinig ay isang acknowledgment receipt ang lumabas na nagpapakita na ang kontrbersiyal na si Mary Grace Piattos ay nakatanggap ng P70,000 halaga ng mga gamot bilang pabuya.

Nang tanungin kung may paliwanag sa mga dokumento kung bakit gamot ang ipinamigay o kung ano ang sakit ni Piattos, tugon ni Wamil ay walang nakasaad na detalye tungkol dito.

Bukod sa uri ng pabuya, ipinunto rin ni House prosecution legal spokesperson and counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na nabigo ang OVP na magsumite ng mga tamang dokumento sa pagbili ng mga nasabing gamot.

Aniya, kung talagang bumili ng mga gamot para ipang-reward, dapat ay sinuportahan ito ng mga opisyal na resibo mula sa botika sa halip na puro acknowledgment receipts lamang.

Ipinunto din ni Wamil na ang pamamahagi ng tulong medikal at mga pagkain ay hindi kasama sa mga pinapayagang gastusin sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01 na namamahala sa paggamit, liquidation, at pag-audit ng mga pondo ng intelligence at confidential. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here