Home OPINION PROUD NA PROUD AKO BILANG PINOY

PROUD NA PROUD AKO BILANG PINOY

3
0

SA gitna ng sunod-sunod na problemang kinakaharap ng bansa, may isang Pilipinang patuloy na nagbibigay ng ngiti at inspirasyon sa ating lahat, walang iba kundi si Alex Eala.

Muli niyang ipinamalas ang husay matapos talunin ang Amerikanang si Alycia Parks, 6-1, 4-6, 6-2, sa Canadian Open sa Toronto, Canada sa panibagong torneo sa kanyang nilahukan. Higit pang ikinatuwa ng mga Pilipino nang magpasalamat si Alex sa mga kababayang dumagsa upang suportahan siya sa laban.

Hindi lang simpleng panalo ang ibinibigay ni Alex sa sambayanan dahil sa bawat pagkakataong nasa tennis court siya, tila pansamantalang nawawala sa isip ng maraming Pilipino ang bigat ng araw-araw na pamumuhay.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod, at iba pang suliraning kinakaharap ng bansa, nawawala ang ganitong mga alalahanin sa bawat laban ng ating Pinay tennis sensation.

Habang patuloy ang mga usapin tungkol sa pagbaha at sa kontrobersiyang bumabalot sa ilang flood control projects, may isang magandang balitang muling pinag-uusapan ng mga Pilipino at ito ay ang panibagong tagumpay ni Alex Eala.

Ipinapakita niyang kayang makipagsabayan ng isang Pilipino sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo basta may disiplina, sipag, inspirasyon, at determinasyon.

Hindi man nito masosolusyunan ang mga suliranin ng bansa, malaki ang naitutulong ng kanyang tagumpay upang muling buhayin ang pag-asa at pagmamalaki ng bawat Pilipino. Sa bawat panalo niya, muli nating naaalala na maraming Pilipino ang kayang magbigay ng dangal sa ating bayan.

Sa panahong mas madalas nating marinig ang masasamang balita kaysa magagandang pangyayari, si Alex Eala ang nagpapatunay na may mga kwentong nagbibigay ng inspirasyon at nagbubuklod sa sambayanan.

Alex, ipagpatuloy mo lang ang laban. Nasa likod mo ang milyon-milyong Pilipinong naniniwala sa iyong kakayahan. Patuloy mong itaas ang bandila ng Pilipinas sa mundo ng tennis at ipaalala sa buong mundo na ang Pilipino ay may tapang, husay, at pusong hindi sumusuko.

Sa bawat panalo mo, buong sambayanan ang nagwawagi at sa bawat tagumpay mo, mas lalo kaming proud na proud maging Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here