NOONG hindi pa umiinit ang usapin ng flood control scam at nakaupo pa siya bilang Speaker ng House of Representatives, tinitingnan kung maaarong pambato ng Bongbong Marcos supporter bilang presidential candidate sa 2028 si Martin Romualdez.
Loyal ang halos lahat ng congressmen sa kanya at tila ayos sa kanyang pinsan na siya ang sumunod na presidente. Bakit hindi? Kumpletos rekado naman siya kung tatakbo nga siya.
Pero nagbago ihip ng hangin noong naging pangunahing suspect siya sa trillion pesos flood control scam.Bagama’t itinatanggi niya na siya ang mastermind ay naramdaman ng Malacan̈ang na hindi pwedeng hindi panagutin si Romualdez “sa ngayon”.
Sabi pa nga ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address, nalulungkot siya dahil dito. At ang OMBUDSMAN naman ay nagsabi na “under preliminary investigation na si Romualdez.”
Totoo na kaya ito? O, are we missing something here?
Inabot ng isang taon bago nasampahan ng kaso si Romualdez. Pero sa ngayon ay hindi siya nakakulong. Maaaring madismiss din ng Ombudsman ang kaso niya. O, ang isasampang kaso ay hindi plunder para makapagpiyansa pa rin si Romualdez.
Kamakailan ay binawi ng apat sa mga ex-marines ang salaysay nila laban kay Romualdez. Maaring gagamitin ng mga abogado ni Romualdez iyan para ipadismiss ang kaso laban sa kliyente nila.
In the meantime, lamang pa rin si Vice President Sara Duterte sa mga survey sa pagkapangulo. Ang pangalawa ay si Naga City Mayor Leni Robredo. Pagkatiwalaan kaya ng kampo ni BBM si Leni na hindi madedemanda si BBM at iba pa sa flood control scam kung manalo si Leni? Ngayon ang pink at mga loyalista ay magkasiping pa dahil may common enemy sila – VP Sara.
Sa aking palagay si Romualdez pa rin ang “sikretong ” kandidato ni BBM sa pagkapresidente. “Kailangan lang mawala si Romualdez sa flood control scam. Habang si VP Sara naman ang dinudurog nila, nawawala sa radar ng korapsyon si Romualdez.
Malayo pa naman ang 2028.
Ang senyales niyan ay kapag dinissmiss ng Ombudsman ang kaso laban kay Romualdez o kaya hindi plunder ang isampa laban sa kanya.
Mahirap paniwalaang walang plano ang magpinsan.






