Home NATIONWIDE 20% discount sa load, internet ng mga estudyante isinusulong sa Senado

20% discount sa load, internet ng mga estudyante isinusulong sa Senado

5
0

MANILA, Philippines — Sa gitna ng sunod-sunod na paglipat sa online classes sanhi ng masamang panahon, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang 20% discount sa mobile prepaid load, mobile postpaid plans, at mobile internet packages para sa lahat ng Pilipinong mag-aaral.

Sa inihain na Senate Bill No. 2275, o ang “Student Load Discount Act,” babawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang nahihirapang makasabay sa pangangailangan sa data sa makabagong edukasyon.

“Dagdag-gastusin ito sa mga estudyante at magulang nila na kadalasan ay hadlang pa para makasabay sa online classes. Tulungan naman natin sila sa simpleng bagay na ito,” pahayag ni Tulfo.

Idinagdag pa niya: “Hindi natin maaasahan ang mga estudyante, lalo na ang mga galing sa mahihirap na pamilya, na mabilis na makapag-adjust sa digital learning nang walang inilalaang tulong ang pamahalaan.”

Sa ilalim ng panukalang batas, sakop ng discount ang lahat ng mamamayang Pilipino na kasalukuyang nakatala sa mga awtorisadong pampubliko at pampribadong paaralan sa elementarya, sekondarya, technical-vocational, higher education, maliban sa post-graduate studies. Ang obligadong 20% discount ay magagamit buong taon, kabilang ang mga weekends at holidays, upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral.

Para makuha ang discount, kailangan lamang magpakita ng mga estudyante ng ID sa paaralan o katibayan ng enrollment, kasama na rin ang birth certificate para patunayan ang pagiging Fiilipino Citizen. Obligado rin sa ilalim ng batas ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na ipatupad ang discount sa lahat ng sakop na serbisyo, at papatawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag dito.

Binigyang-diin ni Tulfo, na siyang Tagapangulo ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na malaki na ang ipinagbago ng lumang konsepto ng suspensyon ng klase.

“Noon, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok. Pero sa panahon ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog sa mga inaaral,” ani Tulfo.

“Tungkulin natin sa pamahalaan na tiyakin ang access sa edukasyon. Hindi dapat huminto ang kakayahan ng isang estudyante na matuto dahil lamang hindi niya kayang bumili ng mobile data o internet connection. Walang estudyante ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta,” pagtatapos niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here