KUNG ordinaryong mamamayan ang nagsabi na wala siyang alam sa malaking pondong inilaan sa kanilang lugar, maaari nating maintindihan ito lalo na kung isa siya sa mga dumaranas ng hirap sa malalim na pagbaha sa kanilang lugar.
Pero kung ang nagsabi na wala siyang alam sa malaking pondong inilaan sa kanyang lalawigan bilang gobernadora, hindi ba dapat mas marami ang tanong kaysa sagot?
Sa gitna kasi ng kontrobersiya sa flood control projects sa Bulacan, inamin ni Gov. Daniel Fernando na wala siyang alam sa ₱41 bilyong halaga ng mga flood control project na pumasok o inilaan sa kanilang lalawigan sa mula 2021 hanggang 2024.
Kaya ang tanong natin kay Fernando, bakit nakalusot ito sa kanyang tanggapan gayung hindi naman maliit na halaga ang ₱41 bilyon para sa mga proyektong dapat sana’y proteksyon ng mga Bulakenyo laban sa baha?
Hindi tuloy makapaniwala ang publiko kung paano na ang napakalaking halaga ng mga proyekto na napunta sa Bulacan, pero wala siyang alam dahil hindi raw ito ipinaalam sa kanya at maging sa mga alkalde ng mga lungsod at munisipalidad na kanyang nasasakupan.
Totoong ang Department of Public Works and Highways o DPWH ang nagpatutupad ng maraming national government infrastructure projects. Pero bilang gobernador, hindi ba makatwirang malaman kung ano-anong malalaking proyekto ang ginagawa sa kanyang nasasakupan—lalo na kung ang mga ito ay may direktang epekto sa kaligtasan ng mga residente?
Ang isa pa, kahit pa pambansang pamahalaan o ang DPWH ang nagpatupad ng mga proyekto sa pamamagitan ng mga kontraktor na nagwagi sa bidding, dapat ay humingi sila ng kaukulang mga permiso sa pagsasagawa ng anomang uri ng proyekto.
Napakatagal ng problema ang baha sa Bulacan at may iba pa ngang munisipalidad na kahit walang bagyo o habagat, lubog pa rin sila sa baha kapag high tide.
Kapag bumaha, mga Bulakenyo ang naaapektuhan, nasisira ang kabuhayan, napipilitan lumikas ang mga pamilya at naaantala ang trabaho at klase.
Kaya kung bilyon-bilyon ang ginastos para sa flood control, dapat malinaw kung nasaan ang mga proyekto, sino ang gumawa, magkano ang bawat kontrata at gumagana ba ang mga ito.
May mga contractor at opisyal na nahaharap sa mga alegasyon at kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects. Hindi ibig sabihin na lahat ng proyekto sa Bulacan ay palpak o lahat ng contractor ay sangkot. Pero sapat na ang kontrobersiya para hilingin ng publiko ang malinaw at transparent na imbestigasyon.
Sa halagang ₱41 bilyon, hindi sapat ang sinabi ni Gov. Fernando na “wala akong alam. Ang kailangan ng publikong sagot ay “aalamin ko” dahil kapag bumaha, walang pakialam ang tubig kung national o local government ang gumawa ng proyekto.
Mga Bulakenyo ang lumulubog kaya’t kung may palpak o anomalya, dapat may managot.






