MANILA, Philippines – Kinilala ng mga Samahan ng Magbababoy ang ilang mga law enforcement agencies sa kanilang mahigpit na pagbabantay at operasyon laban sa pagbebenta ng ‘unsafe meat’ sa merkado.
Nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 26, pinangunahan ng sektor ng agrikultura partikular ang Agriculture Sector Alliance of the Philippines Inc.(AGAP) Party-list, Pork Producers Federation of the Philippines, Inc. (PROPORK) at Philippine Pork Council Alliance, Inc. o Philippine Pork Council na bigyang parangal ang PNP Marikina sa pamumuno ni PCol. Jenny Teczon na siyang Chief of Police dahil sa matagumpay nilang pagkumpiska sa tinatayang 13 hanggang 20 tons ng expired frozen meat sa isang warehouse sa Brgy. Tanong ng nasabing lungsod.
Ito ay nagkakahalaga ng P4 na milyon kung saan naaresto naman ang 12 indibidwal.
Sa pulong balitaan, sinabi ni AGAP Rep. Nicanor Briones na ang nasabing mga indibidwal ay sinampahan ng kasong kriminal dahil sa paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines.








