Home NATIONWIDE Malakanyang, hinikayat si Pulong na magsumite ng flood control project docs

Malakanyang, hinikayat si Pulong na magsumite ng flood control project docs

2
0

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Malakanyang si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na boluntaryong magsumite ng mga dokumento na magpapatunay na nakompleto ang flood control projects na ipinatupad sa ilalim ng kanyang liderato sa lungsod.

“Siya naman po ang nagboluntaryo. May mga dokumento siya para patunayan na kumpleto ang flood control projects na kanyang ginawa,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Mas maganda nga aniya kung naisumite ni Duterte ang mga dokumento nang hilingin sa kanya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga ito.

“Mas maganda po kung nasumite niya ’to, mas nakatulong kasi makikita siguro na sampung taon na walang dredging sa Davao City,” ani Castro.

Nauna rito, pinalagan ni Duterte ang akusasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang Davao City umano ang epicenter ng flood control corruption.

Ani Duterte, dapat munang tingnan ng Ombudsman ang record ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Huwag sana tayong padalos-dalos sa (pagbibitiw ng) mga salita at baka ikasisira lang ito ng kredibilidad ng institusyon,” ang buwelta ni Duterte.

Gayunman sinabi ni Castro, na kung ang mga opisyal na mga dokumento lamang ang ipagwawagwagan ni Duterte, hindi aniya mae- establish na ang proyekto ay nakompleto nga sa ground.

“Iba po kasi yung dokumento lang at iba naman po yung talagang totoo, nakikita, nararamdaman at nakakatulong sa problema ng baha,” ang winika ni Castro.

At nang hingan naman ng komento si Castro sa ngaying pahayag ni Remulla, ang tugon ni Castro ay ‘ang Ombudsman ay isang independent body at ang executive branch ay hindi makikialam at makikisawsaw sa imbestigasyon nito.’

Aniya pa, patuloy na tinutugunan ng administrasyon ang mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Davao City.

Sa katunayan, agad na kumilos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Public Works Secretary Vince Dizon para tulungan ang Davao matapos na lumala ang pagbaha roon. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here