MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Bam Aquino sa kapwa mambabatas na agarang kumilos laban sa karahasan sa paaralan matapos i-sponsor noong Miyerkules ang Senate Bill No. 2426, o Comprehensive School Safety Act, kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa kaugnay na hakbang, kabilang ang mas mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng baril.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Aquino ang agarang pangangailangan na palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa mga paaralan kasunod ng dalawang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga na ikinasawi ng limang estudyante, pati ng iba pang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
“Masakit at nakakapanglumo ang mga pangyayaring ito. Ang paaralan ang dapat maging ligtas na espasyo kung saan natututo ang ating mga anak, nabubuo ang kanilang pagkatao, at umuusbong ang kanilang mga pangarap,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Hindi po dapat ito maging lugar ng takot, pananakit, o ng karahasan. Hindi ho natin pwedeng tanggapin na bahagi na lamang ito ng normal na buhay sa paaralan. Hindi natin maaaring hintayin ang susunod na insidente bago po tayo kumilos,” dagda pa niya.
Ayon kay Aquino, ang pagtugon sa karahasan sa mga paaralan ay nangangailangan ng komprehensibong pagkilos na sumasaklaw sa kaligtasan sa paaralan, responsableng pagmamay-ari ng baril, online safety, at mas matibay na proteksyon laban sa child exploitation.
“Wala pong iisang batas o simpleng solusyon na sasagot sa problemang ito. Kailangan po ng masusing pagtingin sa access ng mga bata sa social media—ito po ay binubuo sa pamumuno ni Senator Robin Padilla. Mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban po sa baril at armas, na siya pong ginawang privilege speech ni Senator Erwin Tulfo,” punto ni Aquino.
“Pagpapalakas ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children, na ngayon po ay binubuo rin po ni Senator Risa Hontiveros. Handa po tayong makipagtulungan sa ating mga kasamahan upang maisulong ang mga repormang ito,” dugtong pa niya.
Layunin ng Senate Bill No. 2426 na pagsama-samahin at palakasin ang mga umiiral na proteksyon sa ilalim ng Anti-Bullying Act, Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, at mga polisiya ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang kaukulang ahensya.
Nais ng panukala na magtatag ng National Comprehensive School Safety Framework, na nakatuon sa tatlong pangunahing larangan—prevention, response, at recovery. Inaatasan din nito ang mga paaralan na bumuo ng localized School Safety Plans batay sa partikular na mga panganib at pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Nagtatakda rin ito ng mas malinaw na pamantayan para sa school safety infrastructure at screening procedures, kabilang ang pagkakaroon ng metal detectors, closed-circuit television cameras, mandatory checking ng mga bag, at iba pang screening equipment batay sa risk assessments at pangangailangan ng bawat paaralan.
Sa ilalim ng panukala, ipatutupad ang whole-of-community approach upang mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, pamilya, barangay, lokal na pamahalaan, law enforcement, health professionals, faith-based groups, at civil society organizations.
“Magkakaroon din po ng regular at mandatory orientation at seminars para sa mga magulang at mga guardian. Dahil sa totoo lang po, nagsisimula sa tahanan ang maraming usapin tungkol sa safety, sa digital behavior, mental health, at kahit po ang responsableng pag-iingat sa mga armas,” sabi ni Aquino.
Hinimok ni Aquino ang kanyang mga kasamahan na agad ipasa ang panukala sa pagsasabing kailangang kumilos agad ng Kongreso bago pa muling magkaroon ng panibagong trahedya.
“Napakaseryoso po ng banta, and we are racing against time. Bawat araw po na wala tayong komprehensibong sistema ay isa pong araw na nalalagay sa panganib ang ating mga anak at mga guro,” wika niya.
Sa kanyang pagtatapos, inialay ni Aquino ang panukala sa mga estudyanteng nasawi sa mga nagdaang insidente ng pamamaril sa mga paaralan at kina Rene Clert Baterbonia and Divine Adili, mga basketball player ng Ateneo de Manila University na namatay habang nagsasagawa ng training activity.
“Bago po tayo magtapos, nais ko lang pong banggitin si Rene at si Divine, si Chris Lorenz, si Ayessa, si Joyancee, at si Dylan. Sana po, ‘di na po dumami ang listahan ng mga pangalan ng mga batang nawala sa kanilang pamilya at sa kanilang kaibigan. Para po sa kanila ang panukalang ito,” ani Aquino.
Samantala, nakatanggap ang panukala ng malawak na suporta mula sa mga kasamahan ni Aquino, kung saan nagpahayag ng kanilang pagsuporta bilang co-sponsors sina Senate President Sherwin Gatchalian at Senators Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Mark Villar, Bong Go, Robin Padilla, Joel Villanueva, JV Ejercito, Juan Miguel Zubiri, Kiko Pangilinan, at Erwin Tulfo.
Kabilang sa mga co-authors ng panukala sina Senador Raffy Tulfo, Gatchalian, Jinggoy Estrada, Hontiveros, Mark Villar, Erwin Tulfo, Villanueva, Camille Villar, Go, Ejercito, at Lapid. Ernie Reyes