MANILA, Philippines — Nanatiling mabigat ang trapiko sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) nitong Martes, Setyembre 1, habang patuloy ang water buildup sa San Simon, Pampanga dahil sa pagtaas ng lebel ng Pampanga River.
Batay sa NLEX Corporation advisory dakong alas-10 ng umaga, pansamantalang sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Sta. Rita at Pulilan northbound entries, habang sarado rin ang Libtong Exit dahil sa pagbaha sa local road.
Sa Tulaoc, San Simon, mabigat ang trapiko at may tubig sa lahat ng lanes. Passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang Lane 1, habang Class 2 at 3 vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Lane 2. Hindi madaanan ang Lane 3.
Sa San Simon Interchange, Class 2 at 3 vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Lane 1 habang hindi passable ang Lane 3 dahil sa mataas na tubig.
Pinapayuhan naman ang mga northbound na Class 1, 2 at 3 vehicles na lumabas sa Balagtas Exit at dumaan sa Maharlika Road patungong Central Luzon Link Expressway (CLLEx) bilang alternatibong ruta.
Para sa southbound motorists, pinapayuhan ang Class 1 vehicles na mula SCTEX at TPLEX patungong Metro Manila na dumaan sa CLLEx patungong Maharlika Highway.
Patuloy ding nakararanas ng mabigat na trapiko ang Candaba Viaduct, bagama’t nananatili itong passable sa lahat ng uri ng sasakyan.
Nauna nang sinabi ng NLEX management na ang matinding pagbaha sa San Simon ay dulot ng patuloy na pagtaas ng tubig sa Pampanga River kasunod ng sunod-sunod na malalakas na pag-ulan.
Pinapayuhan ang mga motorista na maglaan ng mas mahabang oras sa biyahe, gumamit ng alternatibong ruta at patuloy na bantayan ang mga bagong traffic advisory habang nananatiling pabago-bago ang kondisyon sa NLEX. RNT