MANILA, Philippines — Muling isinailalim sa red at yellow alert ang Visayas at Mindanao grids nitong Martes dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Naka-red alert ang Visayas grid mula 2 p.m. hanggang 9 p.m., habang naka-yellow alert mula 1 p.m. hanggang 2 p.m. at 9 p.m. hanggang 10 p.m.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nasa 2,168 megawatts (MW) lamang ang available capacity sa Visayas, na mas mababa sa pangangailangan at kinakailangang regulating requirement ng grid.
Kabilang sa dahilan ang sapilitang shutdown ng ilang malalaking coal-fired power plant, tulad ng Unit 1 ng Therma Visayas Inc. (TVI) at Unit 3 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC). Mababa rin ang inaangkat na suplay mula sa Mindanao grid.
Sampung generating units ang hindi gumagana sa Visayas nitong Agosto, habang 20 iba pang planta ang matagal nang naka-forced outage. May 17 pang units na mababa ang kapasidad, na nagdulot ng kabuuang pagkawala ng humigit-kumulang 813.9 MW.
Samantala, naka-yellow alert ang Mindanao grid mula 1 p.m. hanggang 8 p.m., dahil nasa 2,555 MW ang available capacity habang inaasahang aabot sa 2,450 MW ang peak demand.
Kabilang sa mga dahilan ang pagkawala ng Unit 2 ng GNPower Kauswagan, gayundin ang forced outages ng GNPK1 at Unit 2 ng Therma South Inc.
Ayon sa NGCP, 20 power plants sa Mindanao ang hindi available nitong Agosto, siyam ang hindi gumagana mula pa noong 2024, at anim ang mababa ang kapasidad, na nagresulta sa kabuuang pagkawala ng humigit-kumulang 766.3 MW.
Ang Visayas at Mindanao grids ay nakararanas ng kakulangan sa kuryente dahil sa mataas na demand at mababang kapasidad, habang may mga plantang sumasailalim sa maintenance at iba namang naka-forced outage.
Kabilang sa mga hakbang ng mga awtoridad ang paggamit ng battery-powered generators upang madagdagan ang suplay ng kuryente. RNT/MDS