Home HOME BANNER STORY Sariling law enforcement arm ng Ombudsman, ikinakasa sa Senado

Sariling law enforcement arm ng Ombudsman, ikinakasa sa Senado

5
0

MANILA, Philippines — Upang palakasin ang Office of the Ombudsman sa pagtupad sa konstitusyonal nitong mandato na labanan ang korapsyon, naghain si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ng panukalang batas na lilikha ng isang law enforcement service na magbibigay dito ng kapangyarihang magsagawa ng pag-aresto at pagdetine, paghahalughog at pagsamsam alinsunod sa batas – at iginiit na handa siyang gawin ang kinakailangan para pumasa ito.

Ani Lacson, isa ito sa mga paraan upang maipakita niya ang kanyang suporta para sa Office of the Ombudsman matapos niyang makita ang mga hamong kinakaharap nito sa pagsisiyasat sa tambak-tambak na kaso na may kinalaman sa flood control, reclamation at iba pang infrastructure projects.

“At least ang aking bill na filed, bibigyan sila ng sarili nilang law enforcement arm focusing on graft and corruption cases under the mandate of the Ombudsman… dahil na-appreciate ko ang hirap ng kanilang trabaho. Pwede mag-apply for search warrant, mag-serve ng arrest warrant, para medyo mapadali ang kanilang buhay,” aniya sa panayam sa *Storycon* ng One News nitong Lunes ng hapon.

Binanggit niya na sa kasalukuyan ay umaasa ang Ombudsman sa mga law enforcement agency gaya ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation para tumulong sa pagse-serve ng mga warrant at pagsasagawa ng iba pang law enforcement functions.

“Kailangan ng Ombudsman ng law enforcement arm. Kasi sa ngayon umaasa sila sa PNP and NBI,” aniya.

Dagdag ni Lacson, nakipag-ugnayan na siya kay Sen. Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights kung saan ini-refer ang kanyang panukalang batas, upang bigyang-prayoridad ang mga pagdinig at sponsorship nito sa plenaryo — o kaya ay pahintulutan ang paglikha ng isang subcommittee at payagan si Lacson na ipagtanggol ang panukala sa plenaryo upang mapabilis ang pagsasabatas nito.

Nakipag-ugnayan na rin si Lacson kay Rep. Beatrix Luistro, chairperson ng komite sa House of Representatives na humahawak sa counterpart ng kanyang panukala sa Kamara.

Inihain ni Lacson ang Senate Bill 2394 noong Agosto 12. Layon nito ang likhain ang Ombudsman Marshall Service na magsasagawa ng proactive na inspeksyon at imbestigasyon upang mangalap ng ebidensya at bumuo ng mga kaso.

“In order to strengthen the Office of the Ombudsman in the exercise of its power to investigate, it is essential to afford the Office of the Ombudsman the power to effect arrests, detention, searches and seizures in accordance with the performance of its mandate imposed by no less than the Constitution itself,” aniya sa kanyang panukala.

Dagdag niya, ang panukalang law enforcement service ay magkakaroon ng malaking kontribusyon sa pagbibigay-kapangyarihan sa Office of the Ombudsman upang matupad ang mandato nito.

Binanggit ni Lacson noong Enero na ang pagpapalakas sa Ombudsman ay isa sa mga partial recommendations ng Blue Ribbon Committee matapos ang mga pagdinig nito sa mga maanomalyang flood control projects.

Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Section 15 ng RA 6770 (Ombudsman Act of 1989) upang maglaan ng probisyon para sa paglikha ng Ombudsman Marshall Service. Pamumunuan ang serbisyo ng isang Special Investigator na may ranggo, sahod, emoluments, benepisyo at retirement privileges na katumbas ng isang Deputy Ombudsman.

Ang mga peace officer ng serbisyo, na tatawaging Ombudsman Marshals, ay bibigyang-kapangyarihang magsagawa ng pag-aresto at pagdetine, paghahalughog at pagsamsam, at iba’t ibang uri ng imbestigasyon alinsunod sa batas.

Maaari rin silang magdala ng angkop na mga armas para sa kanilang proteksyon habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, gayundin para sa proteksyon ng mga testigo at mga taong nasa kustodiya, nang hindi nangangailangan ng permit mula sa ibang ahensya ng gobyerno.

Pwede ring atasan ang Ombudsman Marshall Service na ipatupad ang anumang order, writ o proseso ng Office of the Ombudsman, Sandiganbayan o anumang anti-corruption court, ahensya o unit.

Samantala, naglalaan ang panukala ng sapat na mga pasilidad para sa mga taong nasa kustodiya, kabilang ang mga detainee na iniimbestigahan, whistleblower at mga testigo.

Aamyendahan din ng panukala ang Section 11 ng RA 6770 upang bigyang-kapangyarihan ang Ombudsman Marshall Service na ipatupad ang mga desisyon, resolusyon, order at writ ng Office of the Ombudsman, kabilang ang mga citation for contempt.

Aamyendahan nito ang Section 6 ng RA 6770 upang bigyan ang Special Investigator ng ranggo, sahod, emoluments, benepisyo at retirement privileges na katumbas ng isang Deputy Ombudsman.

Kukunin ang pondo para rito mula sa regular na budget ng Office of the Ombudsman at dadagdagan taun-taon kung naaangkop. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here