Home HOME BANNER STORY Sunog sa opis ni VM Atienza sa Manila City Hall, sumiklab

Sunog sa opis ni VM Atienza sa Manila City Hall, sumiklab

4
0

MANILA, Philippines — Agad na napigil ng mga bombero ang sunog na sumiklab sa loob ng Manila City Hall nitong Miyerkules ng madaling-araw, kung saan iniulat na nagsimula ang insidente sa opisina ni Manila City Vice Mayor Chi Atienza.

Ayon sa Manila Fire District (MFD), unang alarma ang itinaas bandang alas-5:57 ng umaga matapos ma-detect ang sunog sa gusali.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Intramuros Fire Station, katuwang ang Manila Fire District at mga volunteer fire brigade upang mapigilan ang pagkalat ng apoy sa iba pang bahagi ng City Hall.

Idineklarang under control ang sunog alas-6:15 ng umaga, habang tuluyan naman itong naapula alas-6:21.

Pinangunahan ni Manila Fire District Fire Senior Superintendent Eddie W. Tanawan ang operasyon sa lugar sa ilalim ng pamumuno ni Bureau of Fire Protection-National Capital Region Regional Director Fire Chief Superintendent Roy Roderick P. Aguto.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pinagmulan ng sunog at kung ano ang naging sanhi nito.

Sinusuri rin ang lawak ng pinsala sa loob ng tanggapan ni Vice Mayor Atienza at kung naapektuhan ang iba pang bahagi ng Manila City Hall.

Wala pang inilalabas na opisyal na impormasyon hinggil sa halaga ng pinsala o kung may nasaktan sa insidente.

Samantala, inaasahang magbibigay pa ng karagdagang detalye ang Manila Fire District matapos makumpleto ang pagsusuri sa pinangyarihan ng sunog. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here