Home METRO Unang ASF vaccine sa merkado, inaprubahan sa Pinas

Unang ASF vaccine sa merkado, inaprubahan sa Pinas

3
0

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang commercial sale ng AVAC ASF LIVE, ang unang African swine fever (ASF) vaccine para sa mga baboy na pinalalaki para sa produksyon ng karne na pinayagang ibenta sa publiko sa bansa.

Ang bakuna, na ginawa ng AVAC Vietnam Joint Stock Company, ay isang live, attenuated at gene-deleted vaccine na idinisenyo upang protektahan ang mga baboy laban sa ASF virus.

“The availability of a commercially approved ASF vaccine is crucial to our repopulation program,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nagsabing makatutulong ito sa pagprotekta sa malulusog na baboy at pagpapanumbalik ng lokal na hog industry.

Unang naitala ang ASF sa Pilipinas noong 2019. Mula sa humigit-kumulang 13 milyong baboy, bumagsak sa nasa 8 milyon ang national hog population kasunod ng mga outbreak. Naitala na rin ang ASF sa 76 sa 82 lalawigan ng bansa, ayon sa BAI.

Hindi nakahahawa sa tao ang ASF ngunit maaari itong magdulot ng malawakang pagkamatay at culling ng mga baboy, gayundin ng malaking pagkalugi sa mga hog raiser.

Samantala, sinabi ni Agriculture Undersecretary for Livestock Constante Palabrica na kasalukuyang sinusuri ng BAI ang isa pang ASF vaccine na PROVAC mula South Korea.

Humihingi rin si Palabrica ng P1 bilyon para sa 2027 upang masuportahan ang vaccination programs, kabilang ang subsidiya para sa mga backyard hog raiser na maaaring mahirapang sagutin ang halaga ng bakuna.

Ayon sa DA, bahagi lamang ang vaccination ng mas malawak na repopulation strategy na kinabibilangan ng disease surveillance, biosecurity, movement control at targeted restocking upang maibalik ang hog population sa antas bago tumama ang ASF. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here