Home HOME BANNER STORY Habagat patuloy pinalalakas ng 2 bagyo sa labas ng PAR

Habagat patuloy pinalalakas ng 2 bagyo sa labas ng PAR

2
0

MANILA, Philippines – Patuloy na pinapalakas ng dalawang tropical cyclone na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang southwest monsoon o “habagat,” na nagdadala ng ulan sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa PAGASA nitong Huwebes, Setyembre 3.

Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto, ang habagat ay pinalalakas ng Tropical Storm Krovahn, dating “Pilandok,” at Tropical Storm Saudel, dating “Obet.” Inaasahang magdadala ito ng ulan sa Northern at Central Luzon at ilang bahagi ng Southern Luzon, kabilang ang Metro Manila.

Alas-8 ng umaga, ang Krovahn ay nasa 1,085 kilometro northeast ng extreme Northern Luzon, habang ang Saudel ay nasa 575 kilometro northwest ng Itbayat, Batanes.

Samantala, ang LPA 08m ay nasa 2,525 kilometro silangan ng Northern Luzon. Bumaba ang posibilidad nitong lumakas at malabong maging tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.

Gayunman, sinabi ni Loreto na maaaring magpatuloy ang mga ulang dulot ng habagat hanggang unang bahagi ng susunod na linggo.

“Patuloy pa rin yung mga ulan na dulot ng habagat at ngayong araw, over the weekend, and even nakikita pa natin na mag-eextend ang mga pag-ulan hanggang next week. Mag-iiba lang yung mga probinsya na makakaranas ng mga pag-ulan, magdedepende po yan doon sa mga weather system na maaaring mabuo sa labas ng ating area of responsibility,” ani Loreto.

Aniya, ngayong Huwebes posibleng umabot sa 50-100 millimeters ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.

Makakaranas naman ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Cagayan Valley, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Oriental Mindoro.

Pagsapit ng Biyernes, Setyembre 4, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro. May kalat-kalat ding ulan at thunderstorms sa ibang bahagi ng Luzon, Western Visayas at Negros Occidental.

Sa Sabado, Setyembre 5, maaaring umabot sa 100-200 millimeters ang malakas hanggang matinding ulan sa Occidental Mindoro. Posibleng makaranas ng 50-100 millimeters ng ulan ang Zambales, Bataan, Pampanga, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro at Antique.

Magpapatuloy rin ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa iba pang bahagi ng Luzon, Western Visayas at Negros Occidental. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here