Home OPINION IMPEACHMENT TRIAL: MAY PUWANG SA MALASAKIT

IMPEACHMENT TRIAL: MAY PUWANG SA MALASAKIT

2
0

HINDI madaling pamahalaan ang isang impeachment trial. Mahaba ang proceedings, komplikado ang mga ligal na argumento, at kailangang maging maingat sa bawat kilos at desisyon.

Sa loob ng impeachment court, may may kanya-kanyang tungkulin at responsibilidad ang prosecution, defense, at senator-judges. Pero sa gitna ng lahat nang ito, may simpleng katotohanang hindi dapat mawala. Ang mga taong nasa loob ng courtroom ay tao rin.

Ito ang makikita sa ilang maliliit na kilos ni Presiding Officer Chiz Escudero habang pinamumunuan ang proceedings.

Nang magkaroon ng problema sa monitor ni Senator Pia Cayetano, agad itong ipinagawa ni Chiz upang mas masubaybayan nang maayos ng senator-judge ang hearing. Nang manggalaiti si Senator Raffy Tulfo tungkol sa time allotment ng kada senator-judge, hindi sinabayan ni Chiz ang init ng ulo ni Raffy bagkus ay binanggit niya lang ang pangalan ng bell-ringer na si Anika. Saglit na napalitan ng tawanan ang seryosong atmosphere sa impeachment court.

Sa mga abogado ng magkabilang kampo, makikita rin ang pagiging balanse ni Chiz. Kapag kailangang magpatupad ng rules, hindi siya nagdadalawang-isip na maging firm. Pero hindi rin kailangang mauwi sa pagiging personal ang pagpapaalala.

Ganoon ang naging approach niya sa usapin ng social-media comments ni Atty. Armando Ligutan. Ipinaalala ni Chiz na may pananagutan at obligasyon pa rin ang isang abogado sa kanyang propesyon, kahit ang post ay ginawa sa kanyang kapasidad bilang guro.

Maging ang maliliit na bagay ay hindi rin nalalampasan. May abogadong pinaupo matapos matagal na nakatayo, may counsel na namamaos na binigyan ng konsiderasyon, at may mga witness at lawyer na inaasikaso kapag nangangailangan ng tubig o salabat.

Sa unang tingin, maaaring simpleng gestures lang ang mga ito. Pero sa isang proceedings na puno ng pressure, may epekto rin ang ganitong klase ng pamumuno.

Hindi lang prosecution, defense, at 21 senator-judges ang bumubuo sa impeachment court. Nariyan ang mga staff, ang secretariat na nag-aasikaso ng records at dokumento, ang court personnel na tumitiyak sa maayos na proceedings, at ang mga witness na maaaring matagal na naghihintay bago matawag.

Kaya ang pagiging Presiding Officer ay hindi lang tungkol sa pagdedesisyon sa objections o pagpapatupad ng rules. Makikita ang isang tahimik na bahagi ng pamumuno ni Chiz Escudero. Mahigpit siya kung kailangan, lalo na pagdating sa rules. Pero kasabay ng pagiging istrikto, kinikilala niya na ang bawat taong nasa loob ng Impeachment court ay may sariling pangangailangan, pagod, at limitasyon.

Sa isang mabigat na impeachment trial, rules ang gabay. Pero pwede pa ring may puwang para sa malasakit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here