GANITO na ba talaga ang bagong sistema kapag dumating ang kalamidad—bahala ka sa buhay mo dahil hindi naman kayang tulungan ng gobyerno ang lahat?
Tumaas ang kilay ng ilang residente sa Montalban, Rizal at Pampanga matapos ang mga pahayag ng kanilang lokal na lider na tila ipinapasa na rin sa mamamayan ang malaking bahagi ng responsibilidad sa pagharap sa baha.
Sa Montalban, naging usap-usapan ang pahayag ni Mayor Ronnie Evangelista, retiradong lieutenant general ng Philippine Army, na kailangang mag-adjust ang mga residente at maaaring magpagawa ng dalawang palapag na bahay upang hindi agad abutin ng baha.
Maganda sana ang konsepto—kung lahat ay may perang pang-second floor. Pero saan kukuha ng milyon-milyong piso ang ordinaryong pamilyang sapat lamang ang kita para sa pagkain, kuryente, tubig at iba pang pang-araw-araw na gastusin?
Hindi lahat ng binabaha ay may savings. Hindi lahat ay may negosyo. At lalong hindi lahat ay kayang magpagawa ng bahay na parang hotel para lamang makaiwas sa baha.
Sa Pampanga naman, umani rin ng batikos ang pahayag ni Gov. Lilia Pineda na kailangang manalangin, makinig sa babala, maghanda ang bawat pamilya at huwag iasa lahat sa gobyerno dahil napakaraming kailangang tulungan.
Tama naman. Responsibilidad din ng bawat pamilya ang paghahanda. Pero hindi naman hinihingi ng mga residente na gobyerno ang mag-empake ng kanilang gamit o magsara ng kanilang bahay.
Ang hinihingi nila ay gobyernong may malinaw na plano bago bumaha, mabilis na rescue kapag nalubog na ang lugar at sapat na tulong kapag nasira ang kanilang tahanan.
At dito pumapasok ang masakit na tanong:
Kapag eleksyon, sama-sama. Kapag boto ang kailangan, sama-sama. Pero kapag kalamidad, kanya-kanya?
Hindi pwedeng ganoon!
Matagal nang problema ang baha sa Pampanga at iba pang lugar. Hindi bago ang bagyo, habagat at pag-apaw ng ilog. Sa panahon ng climate change, dapat nga ay mas handa ang pamahalaan sa mas matinding kalamidad.
Kaya hindi sapat ang sabihing “mag-adjust kayo.” Ang tanong ng taumbayan: Ano naman ang adjustment ng gobyerno?
May sapat bang evacuation centers? Maayos ba ang drainage? Gumagana ba ang flood-control projects? Handa ba ang rescue equipment? May sapat bang pagkain, gamot at iba pang pangangailangan?
Dahil ang tunay na lider ay hindi lamang nagsasabi sa tao kung ano ang dapat gawin. Nauuna itong kumilos kapag may unos.
Sa oras ng kalamidad, konting sensitivity naman. Ang mga biktima ay hindi numero sa report. Sila ay mga pamilyang nawalan ng bahay, kabuhayan, ari-arian at kung minsan, mahal sa buhay.
Kaya sa mga opisyal ng gobyerno: huwag sanang dagdagan ang bigat ng baha ng mabibigat na salita.
Sa halip na “bahala ka,” dapat ang marinig ng taumbayan: “Nandito kami. Tutulungan namin kayo.”
Iyan ang tunay na lider. Iyan ang serbisyong kailangan ng bayan.






