MANILA, Philippines – Nakita sa satellite data ang pagbaha sa ilang bahagi ng pitong rehiyon noong Lunes ng umaga, Agosto 31, matapos ang malalakas na ulan dulot ng enhanced southwest monsoon o “habagat,” ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA).
Sakop ng flood extent maps ng PhilSA ang ilang bahagi ng Regions 1, 2, 3, 4A at 4B, gayundin ang Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Ginawa ang mga mapa gamit ang satellite data na nakunan alas-5:45 ng umaga at sinuri gamit ang artificial intelligence mula sa tatlong Sentinel-1 Synthetic Aperture Radar (SAR) images.
Nilinaw ng PhilSA na ipinapakita lamang ng mga mapa ang kondisyon noong oras na nakunan ang satellite images. Posibleng hindi na nito ipakita ang kasalukuyang sitwasyon sa mga lugar na humupa na ang baha.
Ayon sa ahensya, kapaki-pakinabang ang SAR imagery sa pagmamapa ng baha dahil nakakapasok ang signal nito sa mga ulap na karaniwang bumabalot sa malalawak na lugar kapag may bagyo. Nakakakuha rin ito ng datos kahit gabi.
Gayunman, maaaring hindi ganap na makita ng SAR ang lawak ng baha sa mga urban at makakapal ang halaman na lugar dahil maaaring maapektuhan ng kumplikadong mga surface ang accuracy ng datos.
Binigyang-diin din ng PhilSA na kailangan pa ring i-validate sa aktuwal na lugar ang mga flood extent maps.
Sinabi ng ahensya na ginagamit nito ang malawakang satellite data upang suportahan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagmamanman ng sitwasyon at pagtukoy kung aling mga lugar ang dapat unahin sa disaster response. RNT/MDS