Home NATIONWIDE Pangamba sa ASF nagpapababa sa presyo ng baboy; sobrang pag-aangkat itinanggi ng DA

Pangamba sa ASF nagpapababa sa presyo ng baboy; sobrang pag-aangkat itinanggi ng DA

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tui Laurel Jr., na bumaba ang presyo ng baboy matapos magmadaling magbenta ng mga alagang baboy ang mga nag-aalga ng baboy bago ang tag-ulan, dahil sa pangambang muling magkaroon ng outbtreak ng African swine fever (ASF).

Ayon sa DA ang pagbaba ay kasunod ng mataas na presyo ng baboy noong nakaraang taon na nag-udyok sa mga nag-aalaga na palakihin ang kanilang produksyon, at magdala ng mas maraming baboy sa merkado ngayong taon.

“Noong nakaraang taon, nagkaroon din ng outbreak ng ASF at biglang tumaas nang malaki ang presyo ng baboy,” ani Tiu Laurel. Aniya, umabot sa P450 hanggang P490 kada kilo ang liempo, habang nasa P400 naman ang kasim.

Kaugnay nito dahil sa mataas na presyo ay nagparami ng baboy ang mga producer. Ngunit habang  papalapit na ang tag-ulan, nangamba ang maraming farm na muling kumalat ang ASF kaya mas maaga nilang ibinenta ang kanilang mga alagang baboy kaysa sa orihinal na plano. Dahil dito, nadagdagan ang suplay sa merkado at bumaba ang presyo sa farmgate.

“Sa halip na malagay sa panganib na tamaan ng ASF, o magkaroon ng outbreak sa katabing farm, gusto nilang ibenta na ang lahat bago sila maapektuhan,” sabi ni Tiu Laurel.

Samantala inilarawan niya ang hakbang na ito bilang isang “fastbreak,” at sinabing ito ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng farmgate price ng baboy, sa halip na pagdami ng mga imported na baboy.

Binanggit ni Tiu Laurel ang Mindanao, kung saan bumaba rin ang presyo ng baboy kahit kakaunti lamang ang imported na baboy na pumapasok sa rehiyon. Natuklasan sa imbestigasyon ng Department of Agriculture na ang pagmamadali ng mga lokal na nag-aalaga na ibenta ang kanilang mga baboy ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng presyo.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas ng 5.6 porsiyento ang produksyon ng baboy sa ikalawang quarter sa 412,280 metriko tonelada, ngunit bumagsak nang halos 19 porsiyento ang average farmgate price sa P172.44 kada kilo mula sa P211.91 kada kilo noong nakaraang taon.

Samantala, inaasahang bababa ng humigit-kumulang 50,000 metriko tonelada ang kabuuang volume ng imports ngayong taon, ayon sa Bureau of Animal Industry, mula sa 851,760 metriko tonelada noong 2025. Ito ay dahil sa kombinasyon ng mas mataas na lokal na produksyon at mas malaking volume ng imports noong nakaraang taon ng mga food processor. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here