Home METRO Bibili lang ng kape; ginang malubha, kasamang kaibigan, sugatan sa motorsiklo sa...

Bibili lang ng kape; ginang malubha, kasamang kaibigan, sugatan sa motorsiklo sa Caloocan City

1
0

CALOOCAN CITY, Philippines – Bibili lamang sana ng kape ang isang ginang nang salpukin ito ng humaharurot na motorsiklo at makubhang ikasugat nito kasama ng kanyang kaibigan, napaulat kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Isasailalim pa ang biktima na residente ng Brgy., 12 sa masusing pagsusuri bunga ng pagdaing ng pagkasilaw sa liwanag ng ilaw at panlalabo ng mata matapos magamot sa pagamutan ang mga tinamong sugat sa ulo, at iba pang parte ng katawan.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktima at kaibigan sa Dagat-dagatan, Brgy. 8, alas-4 ng madaling araw para bumili ng kape sa malapit na fast food chain.

Pagsapit sa kanto ng Lapu-Lapu St., sinalpok ang biktima ng humaharurot na motorsiklo na naging dahilan upang tumilapon ang ginang at bumagok ang ulo sa bangketa habang nagtamo lamang rin ng sugat sa kamay ang kanyang kasama.

Sa halip na tulungan ang mga biktima, mabilis na tumakas ang rider habang isinugod naman ng nagrespondeng tauhan ng Caloocan Medical Team ang ginang sa pinakamalapit na pagamutan.

Iniutos na ni BGen. Capili kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis sa rider na nahagip sa kuha ng CCTV sa lugar habang mabilis na tumatakas. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here