MINSAN ay nagpahayag ng babala si dating Speaker Martin Romualdez tungkol sa sinasabing siya ang pinakamalaking balyena sa FLOOD CONTROL SCAM. Ang sabi niya:
“I WILL NOT GO QUIETLY, AND I WILL NOT GO ALONE. I WILL NOT BE THE FALL GUY FOR OTHER PEOPLE’S CORRUPTION.”
Ngayon na nasampahan na siya ng plunder case ng Ombudsman at naihain na sa kanya ang warrant of arrest habang nasa hospital bed, handa na ba niyang isiwalat at tukuyin kung sino ang tao o mga taong tinutukoy niya sa “OTHER PEOPLE’S CORRUPTION”?
Mariin niyang itinatanggi ang anumang kinalaman sa flood control scam. Pero bakit siya ang tinutukoy na mastermind?
Hindi naman papasa ang trilyong pisong flood control budget kung hindi ito inaprubahan ng House at Senate. Bakit siya lang?
Hindi rin magiging batas ang ipinapasang budget kung hindi ito pirmado ng Presidente. Bakit siya lang?
At hindi naman lalabas ang pera at mapupunta sa mga tiwaling opisyal ng DPWH kung walang mga taong nag-apruba, nagproseso o nagpabaya. Bakit siya lang?
Ilang congressman ang sumuporta sa kanya noong Speaker pa siya? Nasaan sila ngayon? Ang ilan ay kabilang sa prosecutors sa impeachment trial ni VP Sara. Tikum ang bibig. Kasama ba sila sa tinutukoy niyang “other people’s corruption”?
Sa ngayon, nasa ospital si Romualdez at naghain ang kanyang mga abogado ng motion na nagsasabing dahil sa kanyang kondisyon ay mas mainam na manatili muna siya roon.
Sa Rule 113, Section 3 ng Rules of Court, nakasaad ang tungkulin ng arresting officer na arestuhin ang akusado at ihatid siya sa pinakamalapit na police station o jail nang walang hindi kinakailangang pagkaantala.
Pero paano siya dadalhin kung naka-confine?
Iyan ang motion ng kanyang mga abogado.
Hindi naman maaaring gawing permanenteng dahilan ang hospital stay upang maiwasan ang detention. Maaari itong pansamantala habang kinakailangan ang medical treatment. Kapag sinabi ng doktor na ligtas na siyang ilipat sa detention facility, kalaboso na.
Pero hayaan natin ang Sandiganbayan ang magpasya.
May mga nagsasabing script lang ito ng Malacañang at hindi rin pababayaan ng kanyang pinsan na si Pangulong Marcos Jr. si Romualdez.
Pero kung may script man, di kaya mag-ad-lib si Martin?
At itong drama, di kaya maging musical kapag kinanta na niya ang mga sangkot sa “OTHER PEOPLE’S CORRUPTION”?
==================================
Atty. Ariel Inton
President
Lawyers for Commuters Safety and Protection
09178174758






