MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos alisin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 12% value-added tax sa allowable system loss charges sa electricity bills.
Pormal na inalis ng BIR sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 ang VAT sa system loss charges na pasok sa cap na itinakda ng Energy Regulatory Commission.
Ayon kay Dy, tugon ito sa direktiba ng Pangulo na humanap ng paraan upang mapababa ang presyo ng kuryente at maibsan ang pasanin ng mga consumer.
“Every peso we can remove from the electricity bill matters,” ani Dy.
Nilinaw naman ng mga mambabatas na iba ang pagtanggal ng VAT sa system loss sa tuluyang pag-alis ng system loss charge mismo.
Ang VAT exemption ay naipatupad sa pamamagitan ng administrative action, habang kinakailangan ng batas upang alisin ang mismong system loss charge sa electricity bills.
May nakabinbing panukala sa Kamara na naglalayong alisin ang system loss bilang hiwalay na bahagi ng electric bill sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.
Nauna nang sinabi ng Kamara na prayoridad nitong isulong ang mga hakbang para alisin ang system loss charges bilang bahagi ng mga panukalang pababain ang gastos sa kuryente. RNT