MANILA, Philippines — Hindi na ipatatawag ng House prosecution panel si Civil Service Commission Assistant Commissioner Atty. Ariel Ronquillo bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang paglilitis.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, sapat na ang testimonya ng mga naunang testigo hinggil sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kaya hindi na kailangan pang isalang si Ronquillo sa ika-27 araw ng trial nitong Lunes, Setyembre 21.
“In the interest of expediting the proceedings, we have decided to dispense with sa pagsalang po kay Atty. Ronquillo sa araw po na ito,” ani Ridon.
Nauna nang tumestigo hinggil sa SALN sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Office of the Ombudsman Central Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen Batu.
Matapos alisin si Ronquillo sa witness lineup, isinunod ng prosecution si Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario upang patunayan at i-authenticate ang corporate records ng mga kumpanyang idineklarang may business interests si Duterte.
Bahagi ang mga dokumento ng presentasyon ng prosecution sa Article II ng impeachment complaint na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth at hindi umano ganap na pagdedeklara ng business interests ng Bise Presidente at kanyang asawa. Patuloy pang dinidinig ang mga alegasyong ito at wala pang pinal na pasya ang impeachment court.
Samantala, nakatakdang isalang sa Martes, Setyembre 22, si Philippine Government Electronic Procurement System Division Chief Rendell Sopeña upang tumestigo hinggil sa government procurement records ng mga kumpanyang idineklarang may interes si Duterte.
Kabilang sa ipinag-utos na dalhing dokumento ni Sopeña ang mga kontrata ng Gencorp Industries Inc. sa mga ahensya ng gobyerno mula 2020 hanggang sa kasalukuyan. Gail Mendoza