MANILA, Philippines – Maaaring makaranas ang mga botante ng mas mahabang pila sa 2028 National and Local Elections (NLE) kung 9,300 voting machine ang hindi kasama sa 2027 national budget.
Ayon ito kay Quezon 4th District Rep. Mike Tan, sponsor ng Commission on Elections’ (Comelec) 2027 budget, sa pagdinig sa plenary session ng 2027 General Appropriations Bill.
Sinabi ng mambabatas na hinihiling ng komisyon na ibigay ang P23.16 bilyon dahil kukulangin ng 9,300 na makina na magreresulta naman ng mahabang pila sa mga presinto.
Ang Comelec ay naghahanap ng P44.7 bilyong budget para sa 2027, na ibinaba ng 34% hanggang P29.5 bilyon.
Kasalukuyang binabalangkas ng poll body ang terms of reference para sa mga voting machine na gagamitin para sa 2028 NLE habang plano nitong bumili ng mga bagong unit.
Nauna nang nagpahayag ng pag-asa ang Comelec na magkaroon ng kalinawan sa Setyembre kung matutuloy ang BSKE ayon sa nakatakdang panahon.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang maaga ng desisyon ay magbibigay-daan sa poll body na ayusin ang kanilang mga paghahanda lalo na’t kailangan din nitong maghanda para sa 2028 National and Local Elections (NLE).
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong ‘ayusin’ ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at SK members sa limang taon.
Ang panukala ay naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 12232 sa pamamagitan ng pagsasaayos sa kasalukuyang apat na taong termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa limang taon at paglipat sa susunod na BSKE mula sa una hanggang sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Isinasaad din nito na walang elektibong opisyal ng barangay ang dapat magsilbi ng higit sa dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon habang walang halal na opisyal ng SK ang dapat magsilbi ng higit sa isang termino sa parehong posisyon.
Ang limang taong termino ay magbibigay sa mga opisyal ng barangay at SK ng mas maraming oras upang magplano, magpatupad, at magsuri ng mga programa bago ang susunod na halalan, sinabi ni Senator Chiz Escudero na siyang may-akda at sponsor ng panukala. Jocelyn Tabangcura-Domenden