UNITED STATES – Nagdeklara ng state of emergency si California Governor Gavin Newsom nitong Lunes, Setyembre 21 bilang paghahanda sa inaasahang malakas na epekto ng El Niño sa US West Coast.
Ayon sa mga weather forecaster, maaaring magdala ang El Niño ng malalakas na bagyo sa mga susunod na buwan, kabilang ang mas mataas sa normal na tides na maaaring magdulot ng coastal flooding.
Sinabi ni Newsom na kailangang maagapan ng estado ang posibleng problema sa halip na hintaying mangyari ang mga ito.
“This action is about giving communities the support they need, giving first responders the tools to do their jobs, and giving families the confidence that their state is ready,” ani Newsom.
Ang deklarasyon ay procedural at layuning mapadali ang pag-access ng mga state agency sa kinakailangang resources.
Kasama rito ang paunang paglalagay ng mga gamit para sa flood response tulad ng sandbags at pumps sa mga lugar na maaaring maapektuhan.
Inihahanda rin ang California National Guard para tumulong sa flood response, search-and-rescue, engineering at logistics missions kung kinakailangan.
Ang El Niño ay warming phase ng natural climate cycle na tinatawag na El Niño-Southern Oscillation (ENSO) na karaniwang nangyayari kada dalawa hanggang pitong taon.
Nabubuo ito kapag humihina ang east-to-west trade winds, dahilan upang ang mainit na tubig na karaniwang naiipon sa western Pacific Ocean ay gumalaw pabalik sa silangan at umakyat sa ibabaw ng karagatan. RNT/JGC