HINDI biro-biro ang sinasabi ng isang senador na “ipagpalagay” na hindi makaboboto ang 9 senador sa araw ng botohan matapos ang pagdinig sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Kapag mawala sa botohan ang 9, 15 lang ang matitira at mananatiling may kapangyarihan ang senator-judges (SJ) na mag-convict sa bisa ng 2/3 o dalawang katlo nila.
Sabi ni Amici Curiae ex-Associate Justice Adolfo Azcuna, kahit 13 ang matirang senador na isang simple majority, may kapangyarihan pa rin silang mag-convict dahil may quorum sila to do business na panggagalingan ng supermajority na 2/3 sa 13.
Ngunit sinasabi ni Azcuna, dapat ganap na mawala ang pagkasenador ng 9 hanggang 11 dahil sa kamatayan, resignasyon, pagpapaalis sa pwesto at iba pa.
Kung nakakulong lang at hindi sila inalisan ng korte ng karapatang bumoto sa araw ng conviction o pagpapawalang-sala, o may sakit o nagtatago ngunit hindi namatay, nag-resign, na-expel o kaya’y nagtatago sa panggigipit, senador pa rin sila kaya lahat may karapatan pa ring bumoto.
Nasa 24 pa rin ang basehan ng botohan at kinakailangan ng 16 boto para sa pagdedeklarang guilty si VP Sara.
Tatandaan din ang babala mismo ni ex-Chief Justice Reynato Puno na kung mawalan ng karapatan ang mga senador na bumoto dahil ginigipit o pinakukulong sila para hindi makaboto, may kapangyarihan ang Supreme Court na makialam at baligtarin ang desisyon ng Impeachment Court batay sa “matindi o labis na pag-abuso sa kapangyarihan o pagpapasya na katumbas ng kawalan o paglampas sa hurisdiksyon (kapangyarihang magpasya ayon sa batas).”
Gayundin ang mangyayari kung ipagkakait sa respondent ang fair and impartial trial o due process o patas na paglilitis.
Sinasabing magbobotohan ang mga senador-judge kung ano ang susundin nilang sistema sa botohan para makuha ang 2/3 para sa conviction: Sa mga nakadadalo lamang sa paglilitis sa gitna ng pagkakulong at panggigipit o sa lahat ng 24 senador, ayon sa Article 11, Section 3(6) ng 1987 Constitution.
Saan tayo papanig, mga brad?






