QUEZON, Philippines – Patay ang isang 65-anyos na babae matapos tumangging lumikas sa nasusunog niyang bahay sa Barangay Lutucan Bata, Sariaya, Quezon nitong Linggo.
Ayon sa Quezon police, napansin ng isang lalaking kamag-anak ang sunog at agad pumasok sa bahay upang iligtas ang babae na iniulat na may hindi tinukoy na mental health condition.
Gayunman, tumanggi umano ang babae na lumabas. Napilitan ang kamag-anak na itigil ang pagsagip dahil sa tindi ng init at apoy.
Matapos maapula ang sunog, natagpuan ng mga bumbero ang sunog na labi ng biktima sa loob ng bahay.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang posibilidad na ang biktima mismo ang naging sanhi ng sunog.
Tinatayang nasa P40,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian. RNT/MDS