Home NATIONWIDE DOE planong magbukas ng nuclear power bidding sa 2027

DOE planong magbukas ng nuclear power bidding sa 2027

3
0

MANILA, Philippines – Plano ng Department of Energy (DOE) na magsagawa ng competitive bidding para sa nuclear power generation capacity sa Hunyo 2027, at maglabas ng notices at certificates of award pagsapit ng Disyembre ng parehong taon.

Batay sa draft guidelines ng DOE, ilalabas sa loob ng anim na buwan mula sa bisa ng circular ang terms of reference at mga pamantayan sa pagpili ng lokasyon. Susuriin naman ang mga bid mula Hunyo hanggang Nobyembre 2027.

Itinakda rin ang apat na taong construction period para sa mga nuclear facility mula sa regulatory authorization o notice to proceed ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority.

Ayon sa plano, magsisimulang maghatid ng kuryente ang mga nuclear plant pagsapit ng 2038, susundan ng ikalawang tranche sa 2040, at tuloy-tuloy na karagdagang kapasidad hanggang 2047.

Pangangasiwaan ng Nuclear Tender Committee ang bidding, habang kinakailangan ng mga bidder na magsumite ng bid security at performance guarantees. Wala namang registration o participation fee.

Magtatakda rin ng nuclear tender threshold price ang DOE, katuwang ang Energy Regulatory Commission, upang gabayan ang presyo ng kuryente at isaalang-alang ang malaking puhunan na kailangan sa nuclear infrastructure.

Ang magiging kasunduan sa pagbili ng kuryente mula sa mga mapipiling proyekto ay sasailalim pa sa public consultation at maaaring dumaan sa distribution utilities, electric cooperatives, wholesale electricity spot market at iba pang mekanismo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here