MANILA, Philippines – Iginiit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na legal at pinahintulutan ng Sandiganbayan ang isinagawang press conference ni Sen. Rodante Marcoleta sa loob ng anti-graft court.
Ayon kay BJMP spokesperson Supt. Jayrex Bustinera, hiniling ng mga miyembro ng media ang press conference at kalaunan ay pinayagan ito ng Sandiganbayan. Nasa lugar lamang umano ang mga tauhan ng BJMP upang magbigay ng seguridad at tiyaking nasusunod ang direktiba ng korte.
Nauna rito, humarap si Marcoleta sa Sandiganbayan Third Division para sa kanyang bail hearing. Matapos ang hearing, nagsalita siya sa media tungkol sa rekisitong 16 na boto para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P75 milyong campaign donation na natanggap niya noong siya ay party-list representative. Kasalukuyan din siyang nasa 90-araw na preventive suspension.
Samantala, nilinaw ng BJMP na walang “special treatment” kay Marcoleta at iba pang high-profile na persons deprived of liberty (PDL) sa Quezon City Jail Male Dormitory.
Iginiit ni Bustinera na walang air-conditioned cell o VIP treatment na ibinibigay sa mga high-profile inmate at pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng PDL na nasa pangangalaga ng BJMP. SANTI CELARIO