Home NATIONWIDE DA: 700K MT palay posibleng mawala sa ‘very strong’ El Niño

DA: 700K MT palay posibleng mawala sa ‘very strong’ El Niño

1
0

MANILA, Philippines — Tinatayang maaaring bumaba nang hanggang 700,000 metric tons (MT) ang produksyon ng palay dahil sa inaasahang matinding epekto ng El Niño, ngunit sinabi ng Department of Agriculture (DA) na mas handa na ngayon ang gobyerno kumpara noong nakaraang El Niño episode.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, ginagamit ng ahensya ang mga natutunan mula sa El Niño noong 2024 upang mas maagang maipatupad ang mitigation measures sa mga lugar na posibleng tamaan ng tagtuyot.

Nauna nang sinabi ng DA na ang 700,000 MT na posibleng pagbaba sa rice production ay katumbas ng humigit-kumulang 3.5 porsiyento ng taunang production target.

Kabilang sa mga hakbang ng DA ang pagtukoy sa drought-vulnerable areas gamit ang mapping at climate data, pagsasaayos ng farm interventions, pamamahagi ng fertilizer at fuel assistance, at pagpapataas ng produksyon sa mga lugar na inaasahang hindi gaanong maaapektuhan ng El Niño.

Nakahanda rin umano ang DA na mamahagi ng drought-resistant rice seeds kung hihilingin ito ng mga lokal na magsasaka.

Ayon sa PAGASA, kasalukuyang Strong El Niño ang umiiral sa tropical Pacific at inaasahang maaari itong lumakas tungo sa Very Strong El Niño sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027. Maaari itong magpataas ng posibilidad ng below-normal rainfall, dry spell at drought sa ilang bahagi ng bansa.

Tinukoy ng DA ang ilang bahagi ng Luzon, Mindoro at Western Visayas bilang mga lugar na kailangang bantayang mabuti dahil sa posibleng epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig.

Kasabay nito, sinabi ng ahensya na magpapatuloy ang rice importation bilang bahagi ng hakbang upang mapanatili ang sapat na supply at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo habang inaasahan ang epekto ng El Niño sa lokal na produksyon.

Umabot na sa 3.89 milyong MT ang rice imports na dumating sa bansa hanggang Setyembre 17, mas mataas sa 3.38 milyong MT na naitala sa buong 2025, ayon sa datos ng Bureau of Plant Industry na binanggit ng DA. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here