MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na dapat tiyakin ng panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ) na abot-kaya at tumutugon ang sistema ng hustisya sa pangangailangan ng mga bulnerableng sektor, lalo na ang mga magsasaka, mangingisda, at kabataan.
Sinabi ni Pangilinan na dapat maging konkretong aksyon ang pondo ng DOJ para maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong kapos sa kakayahang humingi ng legal na tulong at ipagtanggol ang sarili laban sa pang-aabuso.
“Nilalamon ng agriculture smuggling, halimbawa, ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at patuloy na mataas ang presyo ng pagkain at patuloy ang gutom,” sabi niya sa pagbubukas ng deliberasyon sa budget ng DOJ nitong Huwebes, Setyembre 24.
“Pero nasaan ang mga forfeiture ng mga nagwawasak ng ating agriculture economy. Nasaan ang mga convictions?” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng P43.3-bilyong panukalang budget ng DOJ para sa 2027, tumaas ang alokasyon para sa National Prosecution Service, Bureau of Corrections, at Public Attorney’s Office.
Ngunit kinuwestiyon ni Pangilinan ang 23% na tapyas sa budget ng National Bureau of Investigation (NBI), kabilang ang halos 90% na pagbaba sa capital outlay nito, sa gitna ng mga kaso ng cybercrime scam, human trafficking, at financial crimes.
Ipinunto ng senador, na siyang chair ng Senate Committee on Justice, na sa 45 reklamo ng agriculture economic sabotage na isinangguni sa DOJ hanggang Mayo ngayong taon, 35 ang ibinalik para sa karagdagang pagbuo ng kaso.
Ikinabahala rin niya ang P35.7-milyong tapyas sa panukalang pondo para sa National Coordination Center Against OSAEC at CSAEM, gayong dapat paigtingin ng gobyerno ang laban kontra online sexual abuse and exploitation of children.
“Ang 2027 DOJ budget, dapat maging kongkretong commitment na punan ang mga bakanteng posisyon, bigyan ng sapat na kagamitan ang mga imbestigador, pagdugtong-dugtongin ang mga ahensya, bumuo ng mga matibay na kasong ilalatag sa korte, protektahan ang mga biktima, panagutin ang mga salarin,” aniya.
Hinimok ni Pangilinan ang DOJ na palakasin ang mga sistema at proseso nito para matiyak ang mabilis, patas, at epektibong paghahatid ng hustisya. Ernie Reyes