MANILA, Philippines – NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.ang panukalang pagpapaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sanang idaos sa Nobyembre 2, 2026.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na nakita ng mga mambabatas at ng Pangulo kung gaano kung gaano kahalaga sa ngayon ang papel ng mga barangay official.
Ani Castro, kailangan aniya kasing i-mobilized ang mga barangay officials para sa pagsupo ng krimen.
“Dyan magsisimula sa barangay kung paano maiiwasan ang paggawa ng krimen dahil kapag ang barangay mismo, ang mga opisyal ay lumilibot at mahigpit… mababawasan ang pagtaas ng crime rate,” ang paliwanag ni Castro.
Bukod dito, tinukoy din na dahilan ni Castro ang pagbaha kung saan ang mga barangay official aniya ang makakatulong sa kanilang mga nasasakupan at kung paano masasaayos ang pagtatapon ng basura.
“Kailangan po natin sila ngayon,” diing pahayag ni Castro.
Kaya aniya kung magkakaroon ng eleksyon ay mahihirapan ang lahat na makapagpatupad ng ganitong mga klase ng programa.
“So, ang pagpapa-extend man ng termino ng mga barangay official ay hindi para maging hayahay ang kanilang buhay. Ito ay para sila magtrabaho,” ani Castro.
“Kaya, para sa mga barangay officials… ang kailangan po namin ay trabaho mula sa inyo,” ang panawagan ni Castro.
Nauna rito, pinirmahan na ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 12326, na nagtatakda ng limang taong termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Kasabay nito, hinikayat ng Pangulo ang mga kasalukuyang opisyal na gamitin ang karagdagang panahon upang higit na mapabuti ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa, at tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad, pamilya at kabataan.
Para sa Pangulo, ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod at gampanan ang pananagutan sa taumbayan. (KRIS JOSE)