Home NATIONWIDE Fertility rate sa Pinas bumaba sa record-low; wala pang 2 anak kada...

Fertility rate sa Pinas bumaba sa record-low; wala pang 2 anak kada babae sa average

2
0

MANILA, Philippines — Bumaba sa 1.7 ang fertility rate ng Pilipinas noong 2025, pinakamababa sa naitala sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ibig sabihin, sa karaniwan, wala pang dalawang anak ang inaasahang magiging anak ng bawat babaeng Pilipino sa buong panahon ng kanyang reproductive years. Halimbawa, kung 10 babae ang pagbabatayan, katumbas ito ng humigit-kumulang 17 anak sa kabuuan.

Mula sa 4.1 noong 1993, bumaba ang fertility rate sa 3.0 noong 2013, 2.7 noong 2017, 1.9 noong 2022 at 1.7 noong 2025.

Mas mababa na rin ito sa tinatawag na replacement level, o bilang ng anak na kailangan upang mapalitan ng susunod na henerasyon ang kasalukuyang populasyon.

Sa kabila nito, sinabi ng Commission on Population and Development (CPD) na kailangan pa ring palawakin ang access sa family planning at reproductive health services.

Batay sa 2025 National Demographic and Health Survey, tumaas sa 44.5% ang paggamit ng modern contraceptives ng mga kasal na babaeng edad 15 hanggang 49, mula 41.8% noong 2022.

Gayunman, 12.5% ng mga kasal na babae ang may pangangailangan pa rin sa family planning ngunit hindi nakakakuha ng serbisyong kailangan nila.

Ayon sa CPD, ilan sa mga dahilan nito ang maling impormasyon at stigma tungkol sa contraception, limitadong access sa gustong contraceptive methods at kakulangan ng trained health providers.

Mas nahihirapan din umanong makakuha ng reproductive health services ang mahihirap at mga nakatira sa malalayong lugar.

Iginiit ng CPD na kahit bumababa ang fertility rate, mahalaga pa rin ang family planning upang mabigyan ang mga tao at mag-asawa ng sapat na impormasyon at serbisyong kailangan nila sa pagpapasya kung kailan at ilan ang nais nilang maging anak. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here