ISANG pahina na ng kalendaryo ang mapupunit at papasok na naman tayo sa isang araw na nakababagot na Impeachment trial. Sa simula pa lang ng paglilitis, karamihan sa mamamayan ay wala nang interes dito.
Alam kasi ng karamihan kung bakit ito ginagawa laban kay Vice President Sara Duterte. Nais siyang hiyain at pabagsakin upang masira sa mata ng publiko kapag tumakbong presidente sa 2028.
Batay sa mga survey, kung ngayon na gaganapin ang halalan sa pagkapangulo, maning-mani kay VP Sara na manalo. Siya ang may pinakamalaking suporta sa mga botante sa Mindanao at nangunguna sa mga botante sa Visayas, Luzon lalo sa Mega Manila.
Kaya ang Impeachment na isang pampulitikang proseso ang nakita nilang diskarte para hindi na siya makatakbo kapag hinatulang guilty.
Subalit mahigit dalawang taon nang winawasak ang kanyang kredibilidad, bigo pa rin ang sandamakmak na mga politiko at mga tauhan ng gobyerno sa ginagawa nilang pagtatangkang mapatalsik siya sa poder.
Tinatantiya na nagkakahalagang P25 milyon mula sa buwis ng taumbayan ang ginagastos kada araw sa nasabing paglilitis, ayon mismo sa pinuno ng Senado na si Sen. Sherwin Gatchalian.
Aabot na sa P750 milyon, ngayong ika-30 araw ng Impeachment trial, ang “nawaldas” kumpara sa P125 milyon na sinasabing nilustay ni VP Inday subalit hanggang ngayon, lumilitaw na puro pa lamang “hearsay” ang mga alegasyon laban sa kanya. Nasaan ang hustisya?
At napapanood mismo ng taumbayan na sa mismong paglilitis “namimingwit ng mga ebidensiya” ang mga nag-aakusa sa kanya. Kaya dahil dito ay lalong nawawalan ng gana ang mga nagsusubaybay sa pagdinig.
Ang paglilitis ay maaaring tumagal pa hanggang sa susunod na taon — sa kabila ng desisyon ng prosecution panel na tanggalin ang ilan sa mga testigo at mga reklamo mismo nito upang mapabilis ang proseso. Lumiliit nang lumiliit tuloy ang kredibilidad ng mga nag-aakusa.
Ilang milyon-milyong halaga pa ng pera ng bayan ang uubusin ng Senado?
Ang mga buwayang politiko lang naman na lumalangoy sa bumahang pera mula sa pondo ng flood control projects ang gigil na gigil na mapatalsik si VP Sara.
Sa bawat araw ng paglilitis na lumilipas, lumalakas lang ang mga senyales ng pagkapagod ng mga senador at mga abogado ng prosekusyon. Nakikita na nawawalan na sila ng pag-asa sa kanilang “maitim na intensyon”. Masyadong halata ang kanilang mga drama at diskarte.
Kaya ngayon ay sinisikap ng mayorya ng Senado na baluktutin ang batas, baguhin ang Konstitusyon. Binawasan nila ang denominator ng boto sa magiging hatol sa Impeachment trial.
Malinaw na gusto nilang hatulan ang bise-presidente, hindi batay sa matitibay na ebidensiya, kundi sa pamamagitan ng pagmamanipula. Sablay!






