NAIINTINDIHAN natin ang mga dahilan ng Supreme Court kung bakit ibinasura nito ang mga petisyon na kumukwestyon sa desisyon ng Senate Impeachment Court na ibaba ang bilang ng mga senador na bumoto para maideklarang nagkasala si Vice President Sara Duterte sa kasong impeachment.
Ibinaba ng SIC sa 14 ang bilang para magdeklara ng guilty batay sa 20 senador na aktibong nakadadalo sa pagdinig at hindi sa 16 na 2/3 ng lahat ng 24 na miyembro ng Senado.Sina Attys. Victor Rodriguez at Ernesto Francisco Jr. at ex-lawyer Berteni Causing ang nagpetisyon para hilingin sa SC na ibasura ang nasabing desisyon sa rasong ito’y labag sa 1987 Constitution at maglabas na rin ng temporary restraining order at/o status quo ante order at kautusan na palahukin ang mga nakakulong ngayon sa paglilitis.
Pinagbatayan nila ang Article 11, Section 3(6) ng 1987 Constitution na nagsasabing, “Walang sinoman ang hahatulang nagkasala nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Miyembro ng Senado.”Pangunahing dahilan ng SC sa pagpapawalang-saysay sa mga petisyon ang kawalan ng “legal standing” (hindi kasali sa kaso) at “prematurity” (wala nalalabag na karapatan si VP Sara sa kawalan pa ng deisyong SIC).
Sa pangyayaring ito, napakaliwanag kung bakit hindi umaksyon mismo ang kampo o/at ni VP Sara mismo para kwestyunin ang desisyon ng SIC at talagang pinairal nila ang prinsipyong “ad cautelam” o may pag-iingat sa pagturing sa desisyon.
Anila, aaksyon sila kapag panahon na at kabilang nga sa pupwede nilang gawin ang pagtakbo sa SC kung sakaling magdesisyon ang SIC na ideklarang guilty si VP Sara.
Dito, ituturing na ng SC na may legal standing sila at hinog na ang kaso para sa resolusyon, lalo na kung mapatunayan nilang may “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction” ang SIC.






