Home OPINION SA KORTE DAPAT, HINDI SA MEDIA

SA KORTE DAPAT, HINDI SA MEDIA

4
0

HINDI man natuloy ang pagtestigo ni ex-Senator Antonio Trillanes IV sa Impeachment Court, sa media naman siya bumawi. Nagpa-presscon siya at nagbitaw ng mga pahayag na para bang pinagbawalan siyang tumestigo. Pero kapag binalikan ang record ng impeachment proceedings, ibang kwento ang makikita.

Hindi siya pinagbawalan ng Impeachment Court na tumestigo.

Noong September 29, hindi muna naglabas ng subpoena para kay Trillanes. Hindi dahil ayaw siyang patestiguhin, kundi dahil hindi pa nasa tamang yugto ang ebidensyang kailangan niyang patunayan.

Nakatakda sanang tumestigo si Trillanes tungkol sa ilang bank records. Ngunit hindi pa pormal na naipiprisinta sa korte ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council at mga kaugnay na bangko.

Hindi maaaring mauna ang witness bago ang ebidensya. Sa madaling salita, hindi pwedeng mauna ang kalesa sa kabayo.

Mismong si Impeachment Court Presiding Officer Senator Chiz Escudero ang nagsabing walang pumipigil sa prosecution na kusang iharap si Trillanes bilang witness. Hindi siya disqualified at bukas pa rin ang pinto para sa kanyang pagtestigo kung nanaisin iyon ng prosecution.

Binigyang-diin din ni Senator Ping Lacson na hindi dapat isipin na personal na desisyon lang ni Escudero ang hindi pag-subpoena kay Trillanes. May proseso at may naging desisyon ang prosecution.

Noong October 1, mismong lead prosecutor na si Congresswoman Gerville “Jinky” Luistro ang nag-anunsyo na pinal na ang desisyon ng prosecution na hindi na iprisinta si Trillanes bilang witness.

Ayon sa prosecution, bahagi ito ng kanilang pagsusuri kung kailangan pa ang testimonya ni Trillanes o kung mauulit lang nito ang mga ebidensyang naiharap na sa korte.

At ang pinakamahalaga, si Trillanes mismo ang nagsabing hiniling niyang alisin ang kanyang pangalan sa witness list. Kinumpirma rin ito ni private prosecutor Lorna Kapunan.

Kaya malinaw ang naging takbo ng mga pangyayari. Hindi siya pinagbawalan ng korte. Hindi muna naglabas ng subpoena dahil hindi pa naihaharap ang bank records na dapat niyang tukuyin o patunayan. Prosecution mismo ang nagdesisyong huwag na siyang iprisinta.

Kaya mahirap unawain ang mga pahayag na para bang isinara ng korte ang pinto sa kanyang pagtestigo. Nasa record ang nangyari. Walang ban. Walang disqualification.

Mahalagang malinaw ang katotohanan dahil kredibilidad ng buong impeachment process ang nakataya rito. Hindi ito dapat baluktutin.

Sa loob ng Impeachment Court, ebidensya ang dapat magsalita. Sa labas nito, ganoon din dapat. Kung katotohanan ang hinahanap sa loob ng korte, katotohanan din sana ang pairalin sa pagkukwento sa labas nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here