Home NATIONWIDE Depensang “walang alam” si VP Sara sa P95M time deposit, kinuwestiyon ng...

Depensang “walang alam” si VP Sara sa P95M time deposit, kinuwestiyon ng prosekusyon

3
0

MANILA, Philippines – Hinamon ng House prosecution ang naging depensa ni Vice President Sara Duterte na hindi niya matandaan na nakilahok siya sa mga transaksiyon sa joint bank account nila ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na naglalaman ng ilang milyong piso.

Ayon kay private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr., titimbangin ng Senate impeachment court ang paliwanag na ito laban sa laki ng halaga, sa paulit-ulit na transaksiyon, at sa mga dokumento ng bangko na may pirma ng Bise Presidente.

“The court will determine the strength of that evidence in case ‘yan ang magiging defense na gagamitin nila,” ani Tolosa.

Sinabi ng depensa na hindi matandaan ng Bise Presidente ang joint account sa Bank of the Philippine Islands (BPI) kasama ang kanyang ama, at wala raw siyang bahagi sa mga transaksiyon nito.

Batay sa mga rekord ng BPI, may dalawang time deposit na pinondohan ng mga account sa ilalim ng pangalan nina Rodrigo Duterte at Sara Duterte. Humigit-kumulang ₱40.65 milyon at ₱55 milyon ang orihinal na principal ng mga ito.

Sinabi ni Tolosa na kailangang ipaliwanag mismo ni Duterte ang anumang depensang nakabatay sa kawalan ng kaalaman.

“Mukhang kailangan talagang sabihin ng Vice President at take the stand and say that,” ani Tolosa.

Giit niya, hindi lang isang beses nangyari ang mga pinag-uusapang transaksiyon bagkus ay paulit-ulit nangyari sa loob ng maraming taon.

“Possible ba na itong ganitong kalalaking amounts, you didn’t know about them?” pahayag ni Tolosa.

Binanggit din niya ang pirma ng Bise Presidente sa mga dokumento ng bangko. Sa pagdinig noong Miyerkoles, kinumpirma ng presiding officer na nasa account-opening at updated know-your-customer (KYC) records ang pirma ni Duterte.

“It will be very difficult to say that she didn’t have knowledge kung may signature sa KYC documents,” ani Tolosa.

Ayon kay Tolosa, tila ang dating pangulo lamang ang pinagbibintangan ng depensa na may alam sa mga transaksiyon.

“Parang narinig natin, nilalaglag ang former president kahapon, to say siya lang may alam diyan”dagdag pa ni Tolosa.

Sinabi ni Tolosa na hihintayin ng prosekusyon ang kumpletong paliwanag ng depensa sa korte. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here