Bulacan – Nagpatawag ng emergency meeting at bumuo ng Task Force nitong umaga ng Oktubre 8, ang pamahalaang panlalawigang ito upang mapaghandaan ang posibleng maging epekto nang pananalasa ng very strong El Niño sa lalawigang ito.
Pinangunahan mismo nina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro kasama sina 1st District Board Member Michael Aquino, Provincial Administrator Anne Constantino, PDRRMO Head Ret. Col. Manuel Lukban, kinatawan ng Provincial Health Office at iba pang opisyal ng pamahalaang ito ang maghapong pagpupulong na ginanap sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Dumalo rin ang mga opisyal ng MDRRMO/CDRRMO ng ibat-ibang pamahalaang bayan at lungsod habang nagbigay din ng mahahalagang impormasyon ang kinatawan ng PAG-ASA para sa posibleng maging epekto ng nasabing phenomenon.
Ilan sa mga iminungkahi ang pagtitipid sa paggamit ng tubig, kuryente habang nabanggit din sa pagpupulong ang paghahanda ng BFP, DepEd, mga Health Offices, rescue teams at iba pang kinauukulan.
Dahil dito, binuo din ang isang Task Force sa pamamagitan ng Executive Order No. 11 ng pamahalaang panlalawigan bilang malawakang paghahanda sa nararanasang El Niño at para na rin sa kapakanan ng mga Bulakenyo. Dick Mirasol III