MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Energy nitong Lunes, Oktubre 12, ang mga substitute bill at committee report na naglalayong alisin ang singil sa system loss sa mga konsyumer at palawakin ang paggamit ng sariling power generation at storage system sa mga tahanan.
May kabuuang 43 House bill at dalawang House resolution ang inihain upang wakasan ang pagpasa sa mga Pilipinong konsyumer ng gastos mula sa mga hindi teknikal na pagkalugi sa sistema ng kuryente.
Itinuring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na prayoridad ng lehislatura ang usapin sa kaniyang State of the Nation Address noong Hulyo 2026.
Kabilang sa mga panukala ang House Bill No. 10430 nina House Speaker at Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos. Layunin nitong alisin ang singil na dapat umanong sagutin ng mga kumpanyang namamahala at nagpapatakbo ng distribution network.
Samantala, sinabi ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan, may-akda ng House Bill No. 10299, na hindi makatarungang ipasa sa mga konsyumer ang gastusin sa system loss.
“It is unjust to pay for electricity you do not consume,” pahayag ni Suan, na nagsabing taliwas ito sa mga prinsipyo ng kahusayan sa negosyo at pananagutan.
Inaprubahan din ng komite, na pinamumunuan ni Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez, ang substitute bill para sa panukalang “Sariling Kuryente Act.” Layunin nitong mapababa ang gastos sa kuryente ng mga sambahayan, mabawasan ang pagdepende sa power grid, at mapahusay ang suplay ng kuryente sa bansa sa pamamagitan ng paggamit ng solar power at energy storage technologies.
Sa ilalim ng panukala, pasisimplehin ang mga regulasyong kailangan sa ligtas na pagkakabit at paggamit ng mga power generation at storage system para sa hindi pangkomersiyal na layunin.
Ayon sa mga nagsusulong nito, hadlang ang “unnecessary procedures and restrictions” sa mas malawak na paggamit ng mga teknolohiyang maaaring makatulong sa mga sambahayan, negosyo, at bansa.
Kapwa layunin ng dalawang panukala na amyendahan ang Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001. RNT/MDS