MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na seryosong ikonsidera ang pagdedeklara ng national state of calamity sa gitna ng lumalalang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Inihayag ni Pangilinan ang panawagan nitong Miyerkules, Oktubre 21, habang dinidinig ng Senate Committee on Finance ang panukalang ₱171.3-bilyong budget ng Department of Agriculture (DA) para sa 2027. Nakasaad din sa Senate budget schedule na ang pagdinig sa DA at attached agencies nito ay itinakda ngayong araw sa ilalim ng subcommittee na pinamumunuan ni Pangilinan.
“Hindi ba dapat dahil limang rehiyon na ang tinatamaan ng El Niño base sa datos ng DA, hindi ba dapat mag-deklara na ng National State of Calamity ang ating national government para magkaroon na ng dagdag na suporta at pondo dahil nga narito na ang El Niño?” tanong ng senador.
Giit ni Pangilinan, dapat seryosong pag-aralan ng Executive Department ang naturang deklarasyon upang mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na tinatamaan ng matinding tagtuyot.
Umabot na sa ₱6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura dulot ng El Niño hanggang Setyembre 26, ayon sa DA.
Nasa 223,214 magsasaka ang naapektuhan habang 249,028 ektarya ng agricultural land ang tinamaan. Umabot naman sa 163,812 metric tons ang nawalang produksyon sa palay, mais at iba pang agricultural commodities.
Pinakamalaking pinsala ang naitala sa mais na umabot sa ₱4.9 bilyon, habang nasa ₱1.53 bilyon naman ang pagkalugi sa palay.
Ayon din sa Office of Civil Defense, 106 lungsod at munisipalidad sa Cagayan Valley, CALABARZON, Bicol, SOCCSKSARGEN at Caraga ang nakapagdeklara na ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. May mahigit ₱7.8 bilyon ding available sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund na maaaring gamitin para sa pagtugon sa epekto ng weather phenomenon.
Binigyang-diin ni Pangilinan na kailangang nakatuon ang 2027 DA budget sa paghahanda sa kakulangan sa tubig, partikular sa pagpapalakas ng irigasyon at iba pang suportang kailangan ng mga magsasaka at mangingisda.
Nauna nang sinabi ng DA na maaaring mabawasan nang humigit-kumulang 700,000 metric tons ang inaasahang produksyon ng palay dahil sa El Niño at iba pang weather-related shocks.
Bukod sa mga pananim, binabantayan din ng gobyerno ang epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig sa livestock, fishponds at fisheries.
Naghain na rin ang DA ng ₱61.99-bilyong consolidated action plan para tugunan ang epekto ng El Niño sa food production at kabuhayan sa kanayunan.
Inaasahan ng PAGASA at DA na magpapatuloy ang El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027, kaya patuloy ang paghahanda ng pamahalaan para sa posibleng mas matinding epekto nito sa suplay at presyo ng pagkain. RNT