Home NATIONWIDE Rosal humina pa, posibleng maging typhoon na lang

Rosal humina pa, posibleng maging typhoon na lang

3
0

MANILA, Philippines — Patuloy na humihina ang Super Typhoon Rosal habang kumikilos sa Philippine Sea silangan ng Batanes at posibleng bumaba sa typhoon category ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.

Sa alas-11 ng umagang bulletin, huling namataan ang sentro ng bagyo 400 kilometro silangan ng Basco, Batanes.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 185 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 230 kph habang kumikilos west-northwestward sa bilis na 20 kph.

Nananatili sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Batanes at northeastern portion ng Babuyan Islands.

Nakataas naman ang Signal No. 1 sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, eastern Isabela, Ilocos Norte at Apayao.

Ayon sa PAGASA, posibleng Signal No. 3 ang pinakamataas na maitaas sa Batanes habang dumaraan si Rosal, bagama’t maaari itong hindi mangyari kung mas kumiling pahilaga ang magiging track ng bagyo.

Inaasahang magiging pinakamalapit si Rosal sa Extreme Northern Luzon mula Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng umaga.

Magdadala ang bagyo ng stormy weather sa Batanes, habang posible ang malalakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin sa iba pang bahagi ng Northern Luzon.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mapanganib na kondisyon ng karagatan. Posibleng umabot sa 12 metro ang taas ng alon sa northern at eastern seaboards ng Batanes kaya pinapayuhan ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat na huwag pumalaot sa mga lugar na sakop ng gale warning.

Patuloy na hihina si Rosal at maaari nang maging typhoon ngayong araw. Inaasahan naman itong tuluyang kumilos pahilaga at lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng gabi o madaling araw ng Sabado.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na sa Northern Luzon, na patuloy na bantayan ang mga susunod na weather bulletin at sundin ang evacuation at safety instructions ng mga lokal na awtoridad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here