MANILA, Philippines — Muling tiniyak ni United States Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang suporta ng Washington sa seguridad ng Pilipinas kasunod ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus sa Cebu.
Ayon kay Lipton, nananatiling “ironclad” ang commitment ng Estados Unidos sa Philippine security at “stronger than ever” ang alyansa ng dalawang bansa.
“I want to reaffirm the United States’ enduring commitment to the Philippines and our shared vision for a peaceful, secure, and prosperous Indo-Pacific,” ani Lipton.
Dumalo sa ASEAN defense meeting si US Secretary of War Pete Hegseth, na nagsagawa rin ng mga pakikipagpulong sa mga Southeast Asian partners.
Sinabi ni Lipton na ipinapakita ng mga engagement na ito ang layunin ng administrasyon ni US President Donald Trump na palakasin ang alliances at regional cooperation.
Binigyang-diin din niya ang suporta ng Washington sa pagtatanggol sa soberanya at territorial integrity ng Pilipinas at sa pagpapanatili ng freedom of navigation sa rehiyon.
“As we mark 75 years of the US-Philippines Mutual Defense Treaty, our message is clear: our alliance is stronger than ever,” ani Lipton.
Bukod sa defense cooperation, sinabi ng US envoy na dapat ding palakasin ang economic partnership ng dalawang bansa.
Aniya, nais ng Estados Unidos na suportahan ang economic development ng Pilipinas kasabay ng patuloy na security cooperation.
Sa ASEAN-United States Defense Ministers’ Informal Meeting, iminungkahi naman ni Hegseth ang pagbuo ng framework para sa mas malawak na defense cooperation sa pagitan ng US at ASEAN kasabay ng ika-50 anibersaryo ng relasyon ng dalawang panig. Dave Medina