KAPAG nagsugal ka ng barya-barya tulad ng cara y cruz sa lamayan, o kaya tumaya ka sa ‘ending’ ng basketball game ay maaari kang makulong dahil sa paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 o mas kilala na “anti-illegal gambling law”.
Ikaw ay inakusahan hindi dahil nagsusugal ka kundi dahil “iligal ang sugal” na tinayaan o nilaro mo. Ibig sabihin ay hindi ang pagsusugal ang bawal, kundi ang bawal ay ang iligal na sugal.
Kaya kung ikaw ay nagpatalo ng milyon sa isang casino na lisensyado ng gobyerno, hindi ka lumabag sa anti-illegal gambling law sapagkat hindi iligal ang pasugalang pinaglaruan mo.
Ito ang dahilan kung bakit karamihan ng nahuhuli at nakukulong ay mahihirap na indibidwal.
Hindi kasi sila pwede sa casino habang ang pagsusugal para sa kanila ay libangan o pang-alis inip o inis lang.
Pero ang nais ng batas ay “to protect people from poverty by eradicating illegal gambling that drain the meager resources of low-income families”.
Kung ‘legal gambling’ ba ay napoproteksyonan ng estado ang mga low-income families na hindi maubos ang kanilang kaunting pera? Hindi ba pareho lang ang resulta kapag natalo sila?
At kung hindi ka kabilang sa low-income families pero nagsugal ka sa lisensyadong pasugalan at naubusan ka na, ayos din lang ba dahil lisensyado naman ang sugal?
Kaya maraming nakukulong at nasesentensyahan dahil sa maliit na taya at nakukulong ang bettor at maging miron 30 to 90 days. Kadalasan, dahil walang abogado ay paaaminin na lang para makalabas dahil sobra na ang araw ng pagkakulong na maaaring ipataw ng batas. Pero “CONVICTED” pa rin.
Nasaan ang SOCIAL JUSTICE?
Kaya isang kaso na nakarating sa Korte Suprema ay ABSWELTO ang akusado na naglalaro ng cara y cruz dahil hindi napatunayan ng prosecution “certain details of the entire gambling operation, including but not limited to the alleged game being played, identity of the bettors, denomination of the money.”
Kadalasan kahit miron lamang ay napapasama sa kulungan at dahil walang kakayahan kumuha ng abogado ay hindi na ilalaban pa sa halip ay aamin na lang.
Kailangan ma-review ulit ang batas laban sa illegal gambling para naman hindi agrabyado ang mahihirap at matutukan ang talagang mga sindikato na nasa likod ng ILLEGAL GAMBLING na kadalasan hindi mahuli dahil may mga front na licensed gambling operation.






